Reyes kursunada si Kobe na mapasama sa Gilas

MANILA, Philippines - Bukas ang pintuan ni head coach Chot Reyes sa paglalaro ni Kobe Paras para sa Gilas Pilipinas.

Sa kanyang Twitter account ay sinabi kahapon ni Reyes, pinalitan si Tab Baldwin bilang bench tactician ng Nationals, na kailangan pa rin ng 6-foot-6 na si Paras na sumabay sa kanilang pagsasanay bago maging miyembro ng koponan.

“And Gilas is ready for @_kokoparas,”  sabi ni Reyes sa 18-anyos na anak ni  two-time PBA MVP Benjie Paras. “He needs to practice & train with us tho to make the team.”

Maglalaro ang slam dunker na si Paras para sa Creighton University Bluejays, isang US NCAA Division 1 school.

Naging miyembro si Paras ng Philippine youth team kung saan niya ito inihatid sa gold medal finish noong 2013 FIBA Asia Under-18  3×3 Championship.

Kinilala rin siyang back-to-back slam dunk king sa FIBA 3×3 U18 World Championship noong 2013 at 2015.

Sakaling mangyari ang kanyang pangarap ay makakasama ni Paras sa Gilas Pilipinas pool sina Mac Belo, Carl Bryan Cruz, Ed Daquioag, Russel Escoto, Kevin Ferrer, Jio Jalalon, Von Pessumal, Roger Pogoy, Mike Tolomia, Arnold Van Opstal, Matthew Wright at Alfonso Gotladera.

Ihahanda ni Reyes ang Nationals para sa qualifying tournaments ng 2019 FIBA World Cup qualifiers na magsisimula sa susunod na taon.

Samantala, hinugot ng Blackwater si Belo sa idinaos na ‘pre-determined’ draft order sa pulong ng PBA Board kung saan ipinamahagi ang mga mi­yembro ng Gilas Pilipinas sa 12 PBA teams noong Huwebes.

Pinili ng Barangay Ginebra si Ferrer, dinakma ng NLEX si Daquioag, kinuha ng Rain or Shine si Tolomia at inangkin ng Meralco si Pogoy.

Ang 6-foot-9 na si Van Opstal ay itatambal naman ng San Miguel kay ‘three-peat’ PBA MVP June Mar Fajardo, habang pinili ng Star si Jalalon at hinugot ng Phoenix si Wright.

Sina Cruz, Gotladera at Pessumal ang natitirang pagpipilian ng Alaska, TNT Katropa at Globalport.

Show comments