Pacquiao determinadong pabagsakin si Vargas

MANILA, Philippines - Walang nakita si chief trainer Freddie Roach na ‘apoy’ sa mga mata ni Sen. Manny Pacquiao nang labanan si Timoty Bradley  Jr. sa ikatlong pagkakataon noong Abril 9.

Tinalo ni Pacquiao si Bradley via unanimous decision kasunod ang kanyang pagreretiro para sumabak sa Senatorial race sa National Election noong Mayo 9.

Sa pagsagupa ni Pacquiao kay Mexican-Ame­rican world welterweight king Jessie Vargas sa Nobyembre 5 sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada ay naniniwala si Roach na ibang ‘Pacman’ ang mapapanood ng mga boxing fans.

“I think he was a little bit bored with Bradley because he already fought him a couple of times so he’s more hungry for this guy (Jessie Vargas),” ani Roach sa panayam ng GMA News Online.

Pipilitin ng 37-anyos na si Pacquiao (58-6-2, 38 KOs) na agawin sa 27-an­yos na si Vargas (27-1-0, 10 KOs) ang suot nitong WBO welterweight crown.

Sakaling maging impresibo ang panalo ni Pacquiao laban kay Vargas ay may posibilidad na matuloy ang kanilang rematch ni Floyd Mayweather Jr.

Dumating sa bansa si Roach, kasama si sparmate Jose Carlos Ramirez, noong Martes para pamunuan ang pagsasanay ni Pacquiao sa comeback fight nito kay Vargas.

Sa under card ay itataya naman ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. (37-3-0, 24 KOs) ang kanyang hawak na WBO super bantamweight belt kontra kay Jessie Magdaleno (23-0-0, 17 KOs). (RCadayona)

Show comments