Braves, Red Cubs ‘di kakalas sa liderato

MANILA, Philippines – Patatatagin ng Arellano University at San Beda College ang kapit nito sa liderato sa pakikipagtipan sa magkahiwalay na bakbakan sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Makakaharap ng Arellano ang Letran sa alas-9 ng umaga habang titipanin naman ng San Beda ang University of Perpetual Help sa alas-10:45.

Pinatumba ng Braves ang Jose Rizal Light Bombers habang namayani naman ang Red Cubs sa Lyceum of the Philippines Junior Pirates para manatiling magkasalo sa liderato taglay ang parehong 11-1 marka at makalapit sa inaasam na twice-to-beat advantage sa Final Four.

“Our goal is to make the Final Four first, if we can achieve it, we’ll start to think of the twice-to-beat edge,” ani San Beda coach JB Sison.

Haharapin naman ng Mapua (10-2) ang Lyceum (6-5) sa alas-12:30 ng tanghali habang magtutuos ang College of St. Benilde-La Salle Greenhills at San Sebastian College-Recoletos sa alas-2:15 ng hapon at ang Jose Rizal at Emilio Aguinaldo College sa alas-4.

Ang St. Benilde-La Salle Greenhills ay nasa solong ikaapat na puwesto bitbit ang 9-3 baraha kaya’t pinapaboran itong manalo laban sa San Sebastian Staglets na may 1-11 marka.

Tangan naman ng Jose Rizal ang 2-10 habang ang Emilio Aguinaldo ang bukod-tanging walang panalo sa 11 pagsalang.

Show comments