RC Cola-Army, F2 Logistics magkakaalaman sa liderato

MANILA, Philippines – Pag-aagawan ng RC Cola-Army at F2 Logistics ang solong liderato sa kanilang inaabangang salpukan ngayong araw sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Confe­rence women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Magkasalo ang Lady Troopers at Cargo Mo­vers sa unang puwesto hawak ang parehong 6-0 rekord subalit mababasag ito sa kanilang duwelo na nakatakda sa alas-6:30 ng gabi.

Magtatagpo naman sa unang laro sa alas-2:30 ang Amy’s Kitchen at Cignal kasunod ang paluan ng nagdedepensang Petron at Standard Insurance-Navy sa alas-4:30.

Kumpleto na ang Final Four sa pangunguna ng RC Cola-Army at F2 Logistics kasama ang Petron (4-2) at Foton (4-3).

Maglalaro sa isang single-round robin ang Final Four upang madetermina ang puwestuhan nito sa crossover semifinals habang ang nasa Bottom Four na Standard Insurance-Navy, Generika, Cignal at Amy’s ay maglalaban sa single-round robin classification.

Lamang ang Lady Troopers sa karanasan dahil binubuo ito ng mga beteranong manlalaro sa pangunguna nina Jovelyn Gonzaga, Rachel Anne Daquis, Honey Royse Tubino at playmaker Tina Salak.

Sa katunayan, tinalo ng RC Cola-Army ang Est Cola-Thailand para masungkit ang Conference crown noong Abril.

“They are obviously better than us skills-wise. We will turn their strength into their own weakness. We will use our experience to our advantage and force them out of their comfort zone. We already did it before (against Est Cola of Thailand), I’m sure we can do it again against F2 (Logistics),” wika ni Lady Troopers coach Kungfu Reyes.

Ang Cargo Movers naman ay galing sa impresibong laro kabilang ang kanilang dominasyon sa Petron noong Martes kaya’t mataas ang moral nitong harapin ang Lady Troopers.

Aasahan ng F2 Logistics sina Aby Maraño, Cha Cruz, Ara Galang, Mika Reyes at Kim Fajardo na napili upang maglaro sa FIVB Women’s Club World Championship sa Oktubre.

Show comments