Beermen isinalba ng tres ni Lassiter Road Warriors naisahan

Nalusutan ni Gary David ng San Miguel si Asi Taulava ng NLEX  sa aksyong ito. Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Pinahalagahan ni coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel ang mga imports ngayong torneo.

Ngunit nakalimutan niyang banggitin si Marcio Lassiter.

Isinalpak ni Lassiter ang game-winning three-point shot para itakas ang Beermen laban sa NLEX Road Warriors, 94-93 at makisosyo sa liderato ng 2016 PBA Governor’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tumapos si Lassiter na may 8 points, 9 rebounds at 2 assists.

Tinanggap ni Lassiter ang bola mula kay import Arizona Reid at naikonekta ang kanyang triple sa natitirang 0.1 segundo para sa ikalawang sunod na panalo ng San Miguel.

“Nasa bingit na kami ng pagkatalo, pero sinuwerte pa rin kami,” sabi ni Austria.

Nauna nang nagsalpak si Sean Anthony ng isang tres at layup at kumonekta si Asi Taulava ng jumper sa huling minuto ng fourth quarter para sa 93-88 abante ng NLEX sa huling 1:1:04 minuto.

Tumipa naman ng tres si Alex Cabagnot para idikit ang Beermen sa 91-93 sa natitirang 27 segundo na sinundan ng mintis ni  Road Warriors’ reinforcement Henry Walker.

Kinuha ng San Miguel ang 10-point lead, 51-41, sa halftime patungo sa pagtatayo ng 58-41 kala­mangan mula sa jump shot ni Cabagnot sa 10:37 minuto ng third period.

Isang 21-6 atake naman ang inilunsad ng NLEX para makalapit sa 62-64 agwat sa 4:28 minuto nito hanggang maitala ang 77-70 sa 8:45 minuto ng fourth quarter.

Samantala, tatargetin ng Meralco ang kanilang ikatlong sunod na panalo para masolo ang liderato sa pagharap sa Tropang TNT ngayong alas-3 ng hapon sa Big Dome.

Sa ikalawang laro ay magtatagpo naman ang Rain or Shine, nagkampeon sa nakaraang 2016 PBA Commissioner’s Cup at ang Phoenix sa alas-5:15. 

Kasalukuyang magkasosyo sa pangunguna ang Bolts at ang Mahindra Enforcers sa magkatulad nilang 2-0 record, habang may 1-0 baraha naman ang Tropang Texters.

San Miguel 94 - Reid 23, Cabagnot 19, Fajardo 16, David 13, Lassiter 8, De Ocampo 6, Arana 4, Ross 3, Reyes 2, Heruela 0, Semerad 0, Tubid 0.

NLEX 93 - Walker 33, Villanueva J. 14, Anthony 9, Villanueva E. 8, Akl 7, Khobuntin 6, Taulava 6, Alas 4, Lanete 3, Monfort 3, Baracael 0.

Quarterscores: 23-22; 51-41; 68-68; 94-93.

Show comments