Abueva malakas ang laban sa BPC

MANILA, Philippines – Malakas ang tsansa ni Calvin Abueva ng Alaska Aces na masungkit ang Best Player of the Confe­rence (BPC) award sa PBA Commissioner’s Cup.

Matapos ang eliminasyon, nasa ikalawang puwesto si Abueva tangan ang 33.1 puntos sa likod ng nangungunang si Greg Slaughter ng Barangay Ginebra na may 34.2.

Kasama rin sa listahan sina Terrence Romeo ng Globalport (33.0), Jayson Castro ng Talk ’N Text (29.8), Carlo Lastimosa ng Blackwater (28.5) at June Mar Fajardo ng San Miguel Beer (28.5).

Sa mga nangungunang kandidato, tanging si Abueva na lamang ang nakatayong kumakampanya para sa kanyang koponan.

Kasalukuyang hinaharap ng Alaska ang Meralco para sa huling tiket sa finals, habang sinusulat ang balitang ito.

Ang magwawagi sa Alaska-Meralco game ang siyang haharap sa Rain or Shine sa best-of-seven championship showdown na magsisimula sa Biyernes sa Smart-Araneta Coliseum.

Malaki ang posibilidad na manguna si Abueva sa statistical points matapos ang semifinals dahil wala na sa kontensiyon ang iba pang mga manlalaro.

Bigo na makapasok sa semis ang tropa ni Slaughter gayundin ang koponan nina Castro, Romeo at Las­timosa.

Malayo naman ang ag­wat nina Abueva at Fajar­do.

Sa semis, si Abueva ay may average na 18.0 points, 7.6 rebounds, 2.7 assists at 1.3 steals kada laro kaya’t inaasahang mas aangat pa ito sa karera para sa BPC.

Noong 2013, pina­nga­lanang Rookie of the Year si Abueva habang napasama na ito ng dalawang beses sa Mythical Team.

Ang Best Import award naman ay pinaglalabanan nina Arinze Onuaku ng Meralco, Pierre Henderson-Niles ng Rain or Shine at Rob Dozier ng Alaska.

Nangunguna sana sa listahan si Tyler Wilkerson ng Beermen subalit sinibak ito ng kanyang koponan matapos ang hindi kagandahang asal na ipinamalas nito sa Game 3 ng semifinals series laban sa Rain or Shine.

 

Show comments