MANILA, Philippines – Pararangalan ang isang dating miyembro ng Philippine team na naging isa sa pinakaprominenteng executives sa bansa.
Bibigyan ng special award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) si Wilfred Uytengsu Jr. sa kanilang Feb. 13 Annual Awards Night na inihahandog ng San Miguel at Milo sa One Esplanade.
Si Uytengsu, ang chief executive officer at president ng Alaska, ang tatanggap ng Executive of the Year award mula sa pinakamatandang media organization dahil sa kanyang aktibong promosyon at pagpapaunlad ng iba’t ibang sports mula sa basketball, triathlon hanggang sa football.
“It’s with great honor and pride for the Philippine Sportswriters Association to pay tribute to a true sportsman in Mr. Wilfred Uytengsu Jr., by bestowing upon him the Executive of the Year. The country’s sportswriting community couldn’t think of any better person of integrity deserving of the award than him,” sabi ni PSA president Riera Mallari ng Manila Standard
Tatayo ring guest speaker ang billionaire businessman sa gabi kung saan pararangalan sina Donnie Nietes, Nonito Donaire Jr. at Miguel Tabuena bilang PSA Athletes of the Year.
Makakasama ni Uytengsu sa grupo ang mga naunang nabigyan ng Executive of the Year award na sina Manny V. Pangilinan, Hans Sy, Ricky Vargas, Dan Palami at Chito Salud.
Magsisimula ang gala night sa ganap na alas-7 ng gabi na pamamahalaan nina hosts Quinito Henson at Patricia Bermudez-Hizo kasama ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor at suportado ng Smart, MVP Foundation, Maynilad, SM Prime Holdings, ni Sen. Chiz Escudero, Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corp., Philippine Basketball Association, Globalport, Rain or Shine, One Esplanade at National University.
Nagtapos sa University of Southern California na may Bachelors degree sa Business Administration, si Uytengsu ay isang one-time national athlete at naging miyembro ng Philippine men’s swimming team at lumahok sa ilang international meets, kasama rito ang 1981 Southeast Asian Games sa Manila.
Sa edad na 23-anyos at natapos na ang kanyang paglalaro sa national team ay nagsimulang magtrabaho si Uytengsu sa Alaska Milk Corp., itinatag ng kanyang namayapang amang si Wilfred Sr., noong 1972.
Si Wilfred, Sr. ang nag-udyok kay Uytengsu na bumuo ng isang basketball franchise na naging isa sa pinakamatagumpay na koponan sa 41-year history ng pro league, tampok dito ang grand slam noong 1996.
Sa ngayon ay may kabuuang 14 PBA championships ang Alaska Aces.
Maliban sa basketball ay sinusuportahan din ni Uytengsu ang triathlon at football.
Si Uytengsu ang responsable sa pagdadala sa bansa ng popular na Ironman Triathlon at Ironkids na inorganisa ng Alaska Football at Power camps at nakipagtambal sa Jr. NBA/Jr. WNBA Philippines.
Noong nakaraang taon ay ipinahiram ni Uytengsu si coach Alex Compton at sina Calvin Abueva, Dondon Hontiveros at Sonny Thoss sa Gilas Pilipinas team na tumapos na runner-up sa nagkampeong China sa FIBA Asia Men’s Championship sa Changsha, China.