Warriors gumising sa malamyang simula, Knicks giniba

Iniwanan ni Klay Thompson ng Warriors ang kanyang bantay para sa kanyang tira laban sa Knicks.

NEW YORK--Hindi maganda ang shooting at pa­ssing ng Golden State kaya naman inihagis ni coach Steve Kerr ang kanyang clipboard.

“He broke the clipboard, then threw it,” sabi ni Draymond Green.

Ginising ni Klay Thompson ang Warriors mula sa pinakamalamya nilang panimula sa season nang humugot ng 17 sa kanyang 34 points sa second quarter, habang dinuplika ni Green ang franchise record sa kanyang ika-siyam na triple-double para talunin ang New York Knicks, 116-95.

Ito ang pang-pitong sunod na panalo ng Warriors

Isinalpak ni Green ang lahat ng kanyang siyam na tira para itaas ang baraha ng Warriors sa 44-4.

Nagdagdag naman ng 13 points si Stephen Curry na nagkaroon ng putok sa kanyang noo.

Nagtala siya ng 5 for 17 fieldgoal shooting sa court kung saan minsan siya ay tumapos na may 54 points.

Naglista naman si Green ng 20 points, 10 rebounds at 10 assists para sa Warriors, nalimita sa season-low 18 points sa first quarter.

Pinantayan ni Green, nangunguna sa NBA sa pagpoposte ng triple-doubles, ang siyam na triple-double ni Hall of Famer Tom Gola na naiposte noong 1959-60 season.

Naglista naman si Carmelo Anthony ng 24 points at 10 rebounds sa panig ng Knicks, naipatalo ang lima sa kanilang anim na laro.

Sa iba pang laro, tinalo ng Miami Heat ang Atlanta Hawks, 105-87; giniba ng Orlando Magic ang Boston Celtics, 119-114; iginupo ng Dallas Mavericks ang Phoenix Suns, 91-78 at tinakasan ng Portland Trail Blazers ang Minnesota, 96-93.

Show comments