Pinasabog ang Lady Bombers: Lady Stags ‘di nagpaapekto sa pagkawala ni Gorayeb

MANILA, Philippines – Naiselyo ng San Sebastian College ang 25-12, 25-16, 26-14 panalo laban sa Jose Rizal university upang masikwat ang kanilang ikaanim na sunod na panalo kahapon sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa Ninoy Aquino Stadium.

Hindi alintana ng Lady Stags ang pagkawala ni head coach Roger Go­rayeb na pinatawan ng isang larong suspensiyon nang maglatag ng agresibong laro si reigning Most Valuable Player Grethcel Soltones na bumira ng 21 puntos mula sa 18 atake at tatlong aces.

Nagdagdag sina Nikka Mariel Dalisay at Katherine Villegas ng pinagsamang 17 puntos upang tulungan ang San Sebastian na mapanatili ang kapit nito sa solong liderato tangan ang malinis na 6-0 rekord.

Ang JRU ay humugot ng 11 puntos mula kay Rosalie Pepito at 10 ga­ling kay Maria Shola May subalit hindi ito sapat para mahulog ang kanilang koponan sa 3-4 rekord.

Naitala naman ng San Beda College ang ikalawang panalo nito matapos pataubin ang Colegio de San Juan de Letran, 25-21, 15-25, 25-11, 25-22 kung saan bumida si Nieza Viray na tumipa ng 18 puntos.

Nakatuwang ni Viray si team captain Iris Domingo na naglista ng 15 gayundin si Daryl Racracquin na kumana ng 10.

Bahagyang umangat sa 2-5 ang San Beda habang ang Letran ay lumasap ng ikaanim na dikit na kabiguan.

Sa men’s division, nakuha ng Letran at San Sebastian ang kanilang ikalawang panalo matapos pasukuin ang kanilang kanilang mga karibal.

Iginupo ng Letran ang San Beda, 25-19, 25-23, 23-25, 26-24, habang wagi ang San Sebastian kontra JRU, 25-23, 25-15, 25-22.

Magkasalo sa ikapitong puwesto ang Knights at Stags na may parehong 2-4 marka samantalang ang Lions ay bumagsak sa ikaapat na puwesto kasalo ang Arellano University tangan ang magkatulad na 4-3 rekord.

Ang Heavy Bombers ay nananatiling walang panalo sa pitong laro.

Show comments