Altas, Blazers sumosyo sa itaas sa NCAA men’s volley

MANILA, Philippines – Inilampaso ng University of Perpetual Help at College of St. Benilde ang kani-kanilang karibal upang sumosyo sa liderato sa National Collegiate Athletic Association Season 91 men’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sapat na lakas lamang ang inilabas ng Perpetual para payukuin ang Mapua Institute of Technology, 25-13, 25-22, 25-19 habang iginupo naman ng Benilde ang Colegio de San Juan de Letran sa bisa ng 25-23, 25-23, 25-17 desisyon.

Pinamunuan ni Allan Jay Sala-An ang paghataw ng Perpetual nang magbigay ito ng 12 puntos samantalang ang Season 90 runner-up na Benilde ay nakahugot ng 17 puntos mula kay Johnvic de Guzman.

Umani ang Altas at Blazers ng kani-kanilang ikalawang sunod na panalo upang makasama ang nagdedepensang kampeon Emilio Aguinaldo College sa unahan ng standings na mayroon ding malinis na 2-0 rekord.

Sa women’s division, nailista ng Lady Blazers ang ikalawang sunod na panalo nang pulbusin nito ang Letran Lady Knights, 25-17, 25-21, 25-8.

Nakabawi naman ang Lady Altas mula sa kanilang 21-25, 23-25, 24-26 pagkatalo sa kamay ng Lady Stags nang tuhugin nito ang Mapua Lady Cardinals, 25-12, 25-21, 25-21. (CCo)

Show comments