Unang semis seat kinuha ng Lady Maroons

MANILA, Philippines – Blinangko ng nagdedepensang University of the Philippines ang University of the East, 5-0, para sik­wa­tin ang unang semifinals berth sa 78th UAAP wo­men’s badminton tournament sa Rizal Memorial Bad­minton Hall.

Dinispatsa ni Paola Bernardo si Heide Rosal, 21-3, 21-7, sa unang singles, ha­bang tinalo ni 2014 top rookie Mary Ann Marañon si Lyra Rosal, 21-7, 21-5, sa ikalawang singles.

Tuluyan nang inangkin ng UP, nagdadala ng 5-0 baraha, ang unang semis ticket nang manalo ang doubles tandem nina MVP Jessie Francisco at Eleanor Christine Inlayo laban kina Erycka Labay at Pamela Fer­nandez, 21-7, 21-10.

Dinaig nina Marina Ca­culitan at Ann Jeline Ma­song­song sina Heide at Lyra Rosal, 21-19, 19-21, 21-11, sa ikalawang doubles bago iginupo ni Inlayo si Labay, 21-4, 21-11, sa pangatlong singles event para kumpletuhin ang pagwalis ng Lady Maroons sa Lady Warriors (0-5).

Lumapit ang De La Salle at Ateneo sa dalawang silya sa semis.

Tinalo ng Lady Archers (4-1) ang Adamson (1-4), 5-0, habang pinamunuan ni MVP Bianca Carlos ang Lady Eagles (4-1) sa 4-1 paggiba sa National Uni­ver­sity (1-4).

Show comments