Lee, Pringle babandera sa pararangalan ng PBAPC

MANILA, Philippines – Pagsasaluhan nina Rain or Shine stalwart Paul Lee at Globalport star Stanley Pringle ang entablado sa pagkilala ng PBA Press Corps (PBAPC) sa mga top performers ng nakaraang season sa annual  Awards Night sa Set­yembre 16 sa Century Park Hotel.

Tatanggapin ni Lee ang PBAPC-Accel Order of Merit Award, habang pamumunuan ni Pringle ang five-man All-Rookie team.

Ang prolific Elasto Painter guard ang automatic choice bilang Order of Merit awardee makaraang apat na beses kilalanin bilang Accel-PBAPC Player of the Week sa nakaraang season.

Sa 53 games noong nakaraang taon ay nagtala ang combo guard mula sa UE  ng average na 15.5 points per game sa likod ng kanyang 39 percent shooting sa three-point range at naglista ng 4.5 rebounds at 3.2 assists.

Pangungunahan naman ni Pringle ang All-Rookie squad kasama sina Alaska guard Chris Banchero, Jake Pascual ng Barako Bull, Matt Ganuelas Rosser ng Talk ‘N Text at Rain or Shine guard Jericho Cruz.

Ang Globalport guard ang top pick ng nakaraang PBA Draft at hinirang na PBA Rookie of the Year.

Tampok sa 26-year-old PBAPC na inilunsad noong 1993 ang presentasyon  ng Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award na ipinangalan sa legendary Crispa Redmanizers mentor na tinaguriang ‘The Maestro.’

Ibibigay din ang Danny Floro Executive of the Year award na paggunita sa dating team manager ng Crispa franchise at ang William ‘Bogs’ Adornado Comeback Player of the Year award bilang parangal sa three-time league MVP.

Show comments