Romeo pinakamahusay na kamador sa PBA Season 40

MANILA, Philippines - Naglalaro pa lamang siya para sa Far Eastern University Baby Tamaraws sa UAAP juniors’ division ay kinakitaan na ng potensyal si Terrence Romeo.

Sa isang laro ng Baby Tamaraws ay kumamada ang 6-foot-1 na si Romeo ng 83 points.

Sa kanyang paglalaro para sa Globalport sa PBA ay tuluyan nang tumambad ang husay ni Romeo.

Hinirang si Romeo bilang scoring champion ng katatapos lang na PBA Season 40 matapos magposte ng average na 19.66 points a game para sa Batang Pier.

Lumagay siya sa No. 4 sa two-point field-goals made at sa three-point shooting at No. 3 naman sa free throws para kilalanin bilang overall scoring winner na nagresulta sa pagkakahirang sa kanya bilang Most Improved Player ngayong taon.

Napabilang si Romeo sa Mythical Second Team at naging Most Valuable Player sa 2015 PBA All-Star Week sa Puerto Princesa, Palawan matapos dominahin ang Three-Point Shootout.

Bago ang 40th season ay naging bahagi rin si Romeo ng Manila West Team na nagkampeon sa Manila leg ng FIBA Asia 3-on-3 series.

Tinalo ni Romeo para sa top scoring honors sina 2013 FIBA Asia Mythical Five awardee Jayson Castro (18.04) ng Talk ‘N Text at back-to-back PBA MVP awardee June Mar Fajardo (17.41) ng San Miguel.

Ang iba pang Top 10 scorers ay sina Paul  Lee (15.55) ng Rain or Shine, Ranidel de Ocampo (15.04) ng Talk ‘N Text, Greg Slaughter (14.84) ng Ginebra, Stanley Pringle (14.03) ng Globalport, Asi Taulava (13.86) ng NLEX, Gary David (13.05) ng Meralco at Calvin Abueva (12.88) ng Alaska.

Nakasama si Romeo nina Bogs Adornado, Danny Florencio, Atoy Co, Ramon Fernandez, Chip Engelland, Ricky Brown, Allan Caidic, Alvin Patrimonio, Jun Limpot, Vergel Meneses, Nelson Asaytono, Eric Menk, Mark Caguioa, James Yap at Mark Cardona na may pinakamataas na scoring average sa isang season.

Show comments