Diniskarga ang Tropang Texters: Hotshots sa Game 1

Pinanood na lang ni James Yap ng Purefoods ang layup ni Larry Fonacier ng Talk ‘N Text sa Game 1 ng kanilang best-of-five semis series. Jun Mendoza

Laro sa Abril 5 (Smart Araneta Coliseum)

5 p.m. Rain or Shine vs Meralco

MANILA, Philippines – Naisuko man ang itinayong 21-point lead sa third period ay hindi bumigay ang Hotshots para buksan ang kanilang semifinals series ng Tropang Texters sa pamamagitan ng panalo.

Nakabalik sa kanilang porma sa dulo ng final canto, pinatumba ng nagdedepensang Purefoods ang Talk ‘N Text, 100-94, sa Game One ng kanilang best-of-five semifinals series para sa 2015 PBA Commissioner’s Cup ka­gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang pang-pitong sunod na panalo ng Hotshots, ang apat dito ay sa elimination round at ang dalawa ay nang walisin ang Alaska Aces sa kanilang best-of-three quarterfinals series.

Nauna nang tinakasan ng Purefoods ang Talk ‘N Text via triple overtime, 118-117, sa eliminasyon noong Marso 14 mula sa winning jumper ni import Denzel Bowles.

Mula sa 33-17 bentahe sa first period ay ipinoste ng Hotshots ang 21-point advantage sa third period bago nakadikit ang Tropang Texters sa 83-84 agwat sa 8:39 minuto ng fourth quarter.

Nagtuwang sina Bow­les, James Yap, Mark Barroca at Alex Mallari para muling ilayo ang Purefoods sa 99-91 sa huling 38.9 segundo.

Tumapos si Bowles na may career-high na 49 points mula sa kanyang 23-of-36 fieldgoal shooting.

Samantala, muling nasangkot sa isyu sa officia­ting ang Elasto Painters.

At muli na namang nagpataw ng suspensyon si PBA Commissioner Chito Salud sa isa nilang referee.

Mabilis na nagdesisyon si Salud matapos ang kapalpakan ni referee Art Herrera sa 99-86 panalo ng Elasto Painters laban sa Meralco Bolts sa Game One ng kanilang semifinals series noong Martes.

Ang “error in judgment” ni Herrera sa naturang laro ang nagresulta sa five-game ban sa kanya ng PBA Commissioner’s Office kahapon.

“Referee Art Herrera has been suspended for five game days (one week with no pay) for an error in mechanics and judgment in changing a call in Game One of the semifinal series,” sabi ni Salud sa kanyang official statement.

Ipinagkait ni Herrera ang isinalpak na three-pointer ni Gabe Norwood sa fourth quarter dahil umano sa kabiguang makalusot sa shot clock.

Purefoods 100 - Bowles 49, Yap 18, Mallari 8, Pingris 6, Simon 5, Barroca 4, Melton 3, Devance 3, Reavis 2, Maliksi 2, Pennisi 0.

Talk ‘N Text 94 - Johnson 33, Castro 19, De Ocampo 15, Alas 9, Fonacier 9, Rosser 7, Washington 2, Williams 0, Seigle 0, Aban 0.

Quarterscores:  33-17; 51-36; 81-70; 100-94.

Show comments