Pinoy Cuppers ‘di basta-basta isusuko ang laban vs Sri Lanka

MANILA, Philippines – Hindi pa natatalo ang Pilipinas sa walong pagtutuos nila ng Sri Lanka sa Davis Cup.

Pero hindi ito manga­ngahulugan na mada­ling maaalpasan ng Davis Cuppers ng bansa ang hamon na hatid ng bisitang koponan sa Asia Oceania Zone opening tie na gagawin sa Valle Verde Country Club sa Pasig City mula Marso 6 hanggang 8.

Ito ay dahil kasama ng Sri Lanka ang kanilang mahusay na netter na si Sharmal Disanayake na sasamahan ang datihang sina Harsahana Godamanna, Dineshkantan Thngarajah at Sankha Atukarale.

Ang 19-anyos na si Dissanayake ay nakakuha ng ATP point sa isang kompetisyon na ginawa sa kanilang bansa noong nakaraang taon.

Kung gumaling pa si Dissanayake, handang bigyan ng bisita ang host country ng matinding laban lalo pa’t si Godamanna ay nagawang talunin si Patrick John Tierro sa unang singles noong 2014.

Si Tierro ay magbabalik sa koponan kasama sina Fil-Ams Ruben Gonzales at Treat Huey bukod sa pagbabalik sa koponan ni Francis Casey Alcantara.

Si Karl Santamaria ang hahawak sa koponan. (AT)

Show comments