Tamang diskarte susi ni Lebas sa tagumpay

BAGUIO City, Philippines – Tamang diskarte na may kasamang suwerte ang  nagtulak kay Thomas Lebas para tanghaling kampeon ng katatapos na 2015 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 at co-presented ng MVP Sports Foundation kamakalawa.

Matapos pumuwesto sa likuran nina Stage 1 winner Eric Thomas Sheppard ng Taiwanese continental team na Attaque Team Gusto at ng natanggalan ng koronang si Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike Phippines, walang ginawang pagkilos si Lebas sa Stage 2 na pinagwagian ng isang diabetic rider na si Scott Ambrose ng Team Novo Nordisk at Stage 3 na pinangunahan naman ni Hariff Salleh ng Malaysian Continental team na Terengganu.

Inireserba ng 29-gulang na French cyclist ng Japan-based Bridgestone Anchor Cycling Team, ang kanyang lakas para sa akyating Lingayen-Baguio Stage 4 kamakalawa kung saan sumabay siya sa pag-arangkada ng mga Iranians at hindi na siya nahabol ng tatlong araw na overall leader na si Sheppard at pumapangalawang si Galedo na may distansiyang 4-seconds at 1-se­cond lamang sa kanya.

“I just followed them (Sheppard at Galedo) in Stage 2 and 3. I had no plans of attacking because I’m only seconds behind,” pahayag ni Lebas na nagrehistro ng kabuuang oras na 13-hours, 40-minutes at 49 segundo sa  apat na araw na 532.5 kilometer race  na suportado rin ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon at may road partners na Isuzu, MAN Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at NLEX.”

Wala namang panghihinayang si  Galedo bagama’t nakawala sa kanyang kamay ang titulo sa tanging UCI-sanctioned roadrace sa Pinas na inorganisa ng Ube Media Inc. na pinamu­munuan ni Donna Lina-Fla­vier.

“Ganun talaga. Ginawa naman natin lahat at nagkaroon ng koordinasyon,” pahayag  ni Galedo. “Talagang ang puntirya ay ang Stage 4. Ito talaga ang pinaghandaan namin. Sa Stage 2-3, pahinga lang kami. Hindi naman kumilos ‘yung  mga nasa likod natin saka ‘yung nanalo. Pinaghandaan din nila talaga ‘tong bundok na ito (Baguio).”

Tinanghal na team champion ang Tabriz Petrochemical na sinundan ng Bridgestone Anchor at Pishgaman Giant.

Si Oleg Zemiakov (Ka­­zakhstan National Team) ang tinanghal na Best Young Rider, habang si Ambrose, ang points classification champion at si Hossein Askari Askari (Pishgaman Giant) ang King of the Mountain Ho­nors.

Show comments