Tinalo ang Lady Stags at Jr Pirates sa game 1 ng finals: Lady Chiefs, Jr Altas abot-kamay ang titulo

Dumepensa sina Malden Deldil (2) at Vincent Recamara (7) ng Perpetual Juniors Altas para pigilin ang hataw ni Ted Malimban (2) ng Lyceum Junior Pirates sa Game One ng kanilang championship series.

MANILA, Philippines - Isang panalo na lamang ang kailangan ng La­dy Chiefs at ng Junior Altas para tuluyan nang makopo ang korona sa women’s at high school division, ayon sa pagkakasunod.

Ito ay matapos magtala ng magkahiwalay na pana­lo ang Perpetual Help at ang Arellano University sa 90th NCAA volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Pinabagsak ng Lady Chiefs ang San Sebastian Lady Stags, 25-18, 25-15, 20-25, 25-19, para makalapit sa hinahangad na ka­u­na-unahang women’s title sapul nang sumali sa li­ga limang taon na ang na­kararaan.

“Our goal is to give the school its first title and hopefully we could accomplish it on Friday,” wika ni Arellano head coach Obet Javier.

Umiskor si Danna Hen­son ng 18 kasama ang 15 kills, samantalang nag-ambag si CJ Rosario ng 15 points kasunod ang 13 ni Menchie Tubiera at 11 ni Rialen Sante para sa pa­nalo ng Lady Chiefs.

Umiskor si  Gretchel Soltones ng 20 points para banderahan ang Lady Stags.

Kumuha naman ng ins­pirasyon mula sa kanilang three-game semifinals sweep, giniba ng Junior Al­tas ang Lyceum Junior Pirates, 25-19, 25-19, 25-11, upang maihakbang ang isang paa para sa titulong kanilang nakamit apat na taon na ang nakakalipas sa high school class.

“Hopefully we could win one this year,” sabi ni Per­pe­tual mentor Sandy Rieta.

Idinagdag pa ni Rieta na nakakuha sila ng kum­piyansa matapos ang ma­gandang inilaro sa semis.

“We actually started out slow but we made up for it by playing strong in the se­mis. Now the team is pla­ying inspired because of it,” ani Rieta.

Ang naturang mga pa­nalo ang nagbi­gay sa Per­petual at Arellano ng 1-0 kalamangan sa kani-kanilang best-of-three series ng Ly­ce­um at San Sebastian, ayon sa pagkakasunod.

Pipilitin ng dalawang ko­ponan na walisin ang ka­nilang mga serye sa Game Two bukas.

Naglista si Malden Del­dil ng 14 hits, habang nag­dag­dag sina Vincent Re­ca­mara at Ricky Marcos ng 11 at 10, ayon sa pagkaka­su­nod, para pangunahan ang Junior Altas.

Asam ng koponan ang pang-pitong koro­na na mag­didikit sa kanila sa San Sebastian Staglets na may 15 kampeonato.

Show comments