MANILA, Philippines - Naibalik agad ng La Salle Lady Archers ang kinang ng paglalaro sa ikatlong set para makabangon mula sa paglasap ng unang pagkatalo sa bisa ng 25-17, 27-29, 25-14, 25-9 panalo sa FEU Lady Tamaraws sa pagbubukas ng second round ng 77th UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May 16 kills tungo sa 17 puntos si Victorana Galang para sa Lady Archers na ginamit ang depensa para limitahan ang mga kamador ng Lady Tamaraws sa huling dalawang sets at iposte ang 7-1 karta.
Nagmula ang La Salle sa five-set loss sa karibal na Ateneo Lady Eagles sa pagtatapos ng first round.
May 13 hits si Cydthealee Demecillo at siyam na digs, at tig-10 ang ibinigay nina Mika Reyes at Kim Fajardo.
Tanging si Bernadette Pons ang nasa double-digits para sa Lady Tamaraws, may 3-4 baraha, sa kanyang 13 hits.
Bago ito ay tinalo ng UP Lady Maroons ang UE Lady Warriors, 25-17, 25-13, 25-21, para upuan ang ikaapat na puwesto sa pantay na 4-4 karta.
Hindi nakasama ng UP si Katherine Bersola na may ACL injury pero naroroon si Nicole Anne Tiamzon na may 12 puntos para sa panalo ng Lady Maroons. (ATan)