Wadgos may 2 ginto na sa BIMP-EAGA

LABUAN, Malaysia – Tu­mapos sa ginto at bron­ze medals sina Son­ny Wadgos at Glein Payac sa men’s 5,000-meter para magpatuloy ang pagkolekta ng medalya ng Pilipinas sa 8th BIMP-EAGA Friendship Games sa Labuan Sports Complex dito.

Naorasan ang 20-an­yos na si Wadgos ng University of Mindanao ng 16 minuto at 25.99 segundo para hiyain ang ha­mong ibinigay ni Zainuddin ng West Kalimantan na may 16:48.66. Si Payac ng Davao City ay may 17:41.84 oras.

Ito ang ikalawang ginto ni Wadgos matapos magwagi sa 1,500m race habang nakapaghatid pa siya ng pilak sa 800-meter para tulungan ang Team Mindanao ng dalawang ginto, dalawang pilak at dalawang bronze medals sa athletic competition.

Si April Rose Guiang ang isa pang nanalo ng pilak sa women’s discus throw  bago nakasama sa 4x400-meter relay team na nakontento sa bronze medal.

Naihagis ni Guiang ang discus sa layong 31.03 metro sapat para sa ikala­wang puwesto sa event na pinagwagian ni Wong Xiao Jing ng Sarawak, Indonesia (35.32).  Nakopo ni Denise Mary William ng Labuan ang bronze (29.18).

Pinunan ng five-foot-six 85-kilo thrower mula sa Holy Cross of Davao College ang kakulangan sa atleta ng 4x400 meter relay team at nakakuha ng atensyon sa lokal crowd nang pagbidahan niya ang Pinay sa bronze medal sa likod ng South Sulawesi at Brunei Darussalam.

Show comments