CHICAGO – Tumipa si emergency starter Evan Turner ng 19 points, isa sa pitong Boston players na umiskor ng double figures, para tulungan ang Celtics sa 106-101 panalo laban sa Bulls sa NBA.
Nanalo ang Celtics nang wala si Rajon Rondo, hindi nakapaglaro sa pang-apat na sunod na pagkakataon ngayong season.
Tumapos si Kelly Olynyk na may 18 points at 11 rebounds para sa Boston, habang may 14 si Jeff Green.
Pinamunuan naman ni Brooks ang Chicago sa kanyang 26 points, ang 19 dito ay kanyang ginawa sa fourth quarter, samantalang nagtala si Pau Gasol ng 19 points at 9 rebounds.
Matapos ang three-pointer at dalawang free throws ni Brooks para ilapit ang Bulls sa 96-99 agwat, kumonekta naman ng isang free throw si Olynyk para sa 100-96 bentahe ng Celtics.
Nagsalpak si Brooks ng isang two-pointer, ngunit umiskor naman sina Turner, Olynyk at Green ng anim na free throws sa natitirang 17 segundo para selyuhan ang panalo ng Boston.
Hindi nakalaro sa ikalawang sunod na pagkakataon si injured guard Derrick Rose.
Humablot si Joakim Noah ng team-high na 11 rebounds subalit ipinahinga sa huling 2:03 minuto ng laro.
Sa Milwaukee, isinalpak ni Brandon Knight ang three-point play may 1.1 segundo na lang ang nalalabi ang nag-angat sa Bucks tungo sa 93-92 paglusot sa Memphis.
Ito ang unang kabiguan ng Grizzlies sa season matapos ang anim na sunod na ratsada.