IEM wagi sa systema sa V-League

Binutas ni Karl Dela Calzada ng Instituto Estetico Manila (IEM) ang de­pensa nina Salvador Depante at Roland Tonquin ng Systema sa men’s division ng Shakey’s V-League kahapon. (Kuha ni Joven Cagande)

MANILA, Philippines – Nakitaan ng husay si Jason Canlas sa ika-lima at huling set para makumpleto ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ang 17-25, 25-19, 25-18, 20-25, 15-12 panalo laban sa Systema Active Smashers sa men’s division ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference ka­hapon sa The Arena sa San Juan City.

Tila hindi bibitiwan ng Active Smashers ang momentum na nakuha nang maipanalo ang fourth set sa 8-6 patungo sa deciding set nang biglang binuhay ni Canlas ang opensa ng Volley Masters.

Isang block at dalawang atake ang ginawa ni Canlas sa 6-0 bomba para kunin ng IEM ang 12-8 ka­lamangan.

Nanakot ang Systema sa 12-11 pero naroroon mu­li si Canlas para sa kill matapos ang service error ni Salvador Depante patungo sa 14-11 iskor.

Nanalo sa net game si Antonio pero itinapon ni Patrick John Rojas ang ka­nilang opensa nang ma­palakas ang kanyang spike para sa kanilang panalo.

Si Canlas ay may 13 kills, 2 blocks at 1 ace, ha­bang sina Karl Ian Dela Calzada at Jeffrey Jimenez ay may tig-13 puntos.

Show comments