Ituloy ang laban

Nilampaso ni Floyd Mayweather si Marcos Mai­dana sa kanilang rematch sa Las Vegas kahapon.

Inaasahan naman ang resulta: Unanimous decision. Ang hindi ko inasahan ay nang magsalita si Mayweather tungkol kay Manny Pacquiao.

Tinanong kasi siya sa gitna ng ring matapos ang laban. At maganda ang kanyang sagot. Mukhang handa na siyang lumaban kay Pacquiao.

Ilang taon na rin kasi napag-uusapan ang ka­nilang laban. Kaya lang ayaw talaga matuloy.

Sinisisi ng marami si Mayweather. Keso takot daw kay Pacquiao o kaya ay takot lang madungisan ang kanyang perfect record sa boxing.

Hawak ni Mayweather ang 47-0 record at balak lang yatang mag-retire kung maabot na niya ang 50-0.

Pero parang nauubusan na siya ng kalaban. At kung hindi niya lalabanan si Pacquiao ay baka umunti na ng husto ang manonood ng laban niya.

Pag-iisipan daw mabuti ni Mayweather at ng kanyang mga tsuwariwap kung ano ang pinakamabuti niyang gawin sa susunod niyang laban.

Sinabihan din niya si Pacquiao na mag-focus muna sa susunod niyang laban kay Chris Algieri sa Nov. 23 sa Macau.

At kung mananalo raw si Pacquiao, ay baka nga raw puwede ng pag-usapan ang kanilang laban.

Ngayon ko lang narinig si Mayweather na parang seryoso tungkol sa laban nila ni Pacquiao.

May tatlo pang laban si Mayweather sa kanyang kontrata sa Showtime, ang karibal ng HBO, at kung lalabanan niya si Pacquiao sa susunod na taon ay siguradong ito na ang magiging pinakamalaking laban sa history ng boxing.

Aabot daw ng $250 million ang pera sa mesa kung maglalaban ang dalawa. At kung hindi naman papayag si Mayweather sa 50-50 na hatian ay tiyak na malaki pa rin ang kikitain ni Pacquiao.

Puwede na siguro ang 60-40 na hatian. Kay Mayweather na ang nakalalaki.

Matuloy lang ang laban.

 

Show comments