Pacquiao magsasanay ng Chinese boxers

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao ngayong Miyerkules na tutulungan niya sa pag-eensayo ang mga Chinese professional boxers.

Sinabi ni Pacquiao sa kanyang panayam sa telebisyon na nakipagpulong na siya sa kanyang mga Chinese partners sa pagtatayo ng boxing training academy sa iba't ibang lugar sa China kabilanga ng Beijing.

Pangangalanang Manny Pacquiao Boxing Education Institute ang training academy.

"I will share my knowledge on boxing," wika ni Pacquiao sa ABS-CBN News Channel.

Sinabi ni Pacquiao na maraming magaling na boksingero sa China ngunit kailangan pang hasain ang kakayahan ng mga ito.

"They can produce a good fighter like other champions," dagdag niya.

Samantala, iginiit naman ng eight-division champion na tinutulungan na niya ang ilang boksingero sa Pilipinas matapos tanungin kung bakit pinili niya ang China.

Naniniwala si Pacquiao na sa kanyang gagawin sa China ay maiibsan ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa agawan ng teritoryo.

Show comments