Pacman muling kinilala ng IS

MANILA, Philippines - Kinilala ng Sports Illustrated si Manny Pacquiao bilang isa sa mga atleta na nagtataglay ng magandang kondisyon ng pangangatawan.

Naglista ang SI ng 50 atleta na sa kanilang pananaw ay may pinakamagandang kondisyon at ang Pambansang Kamao ay nalagay sa ika-39th puwesto mula sa nakuhang 24 puntos.

Binigyan ng SI ng grado ang isang atleta base sa taglay na bilis, lakas, resistensya at liksi at ang pinakamataas na puntos ay 10.

Ang natatanging 8-division world champion sa professional boxing ay binigyan ng 6.5 puntos sa speed, 5 sa strength, 6.5 sa agility at 6 sa endurance para sa kabuuang 24 puntos.

Ang karibal na si Floyd Mayweather  Jr. ay angat na angat sa Kongresista ng Sarangani Province at WBO welterweight champion dahil inilagay ang walang talong WBC champion sa ikaapat na puwesto  tangan ang 36 puntos mula sa 9-8-10-9 marka.

Sina Mayweather at Pacquiao ang mga bukod-ta­nging boksingero na nasa talaan.

Naunahan ni Pacquiao sa listahan  ang Olympic  gold medalist sa swimming na si Ryan Lochte.

Nalagay sa unang puwesto si NBA star LeBron James sa perpektong 40 puntos bago siya sinundan ni football player Cristiano Ronaldo sa 38.5 puntos (10-8.5-10-10) at si trackster Usain Bolt ang nasa ikatlo sa 36.5 puntos (10-9-8.5-9).

Show comments