MANILA, Philippines - Lalakas ang hangarin ni SEAG decathlon gold medalist Jesson Ramil Cid na makapasok sa 2016 Rio de Janairo, Brazil Olympics matapos makakuha ng corporate sponsor na tutulong sa kanya sa loob ng dalawang taon.
Pormal na ipinakilala ni James Laferty ang Wong Chu King Foundation na kinatawan nina Dominic Uy at Jean Alabanza na maglalabas ng P3.64 milyon upang tustusan ang pangangailangan ni Cid.
Si Laferty ang nangunguna sa ‘Adopt an-Olympian’ program na tutulong sa mga atleta ng PATAFA na makapasok sa 2016 Olympics.
Si Cid ang ikatlong atleta na pumasok sa programa matapos ni SEAG long jump record holder Marestella Torres at asawa nitong si Eleazer Sunang na pambato sa shotput.
Si Laferty mismo ang sumasagot sa pangangailangan ni Torres habang ang Diamond Leasing ang sumusuporta kay Sunang.
Pumayag si Cid, isang two-time UAAP MVP, na ibuhos ang lahat ng oras sa pagsasanay para maabot ang hangaring mabigyan ng medalya ng kahit anong kulay ang Pilipinas sa Rio Games.
“We have three more sponsors waiting in the wings but we are still looking for athletes who have potential to win in the Olympics. We are looking at five to seven athletes to the program with the hope of sending three or four qualified athletes to Rio Olympics,” wika ni Laferty sa pulong pambalitaan na ginanap kahapon sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City.
Si Cid ay isa sa walong atleta na pasok na para sa Asian Games sa Incheon, Korea at malaki rin ang paniniwala ni Laferty na kaya nitong magmedalya sa kompetisyon sa Setyembre.