Pinoy bets kinapos sa FDG Cup

MANILA, Philippines - Kinapos sina Kenneth Monterubio at Nicole Albo sa hangaring titulo sa Open singles nang yumuko sa mga dayuhan sa FDG Cup Open and Invitational badminton tournament sa Powersmash Badminton Center sa Makati kahapon.

Bumigay si Monterubio sa labanan para sa maha­lagang puntos tungo sa 19-21, 18-21, pagkatalo kay Indonesian top seed Des Adirangga sa Open men’s singles habang si Abo ay dumanas ng 6-21, 10-21, pagkatalo kay Lili Wang ng China sa women’s division.

Taas-noo na nilisan ng No. 14 na si Monterubio ang court dahil ilang see­ded players din ang kinalos niya para pumasok sa final round sa kompetisyong may basbas ng Philippine Badminton Association  at inialay kay Robinson’s Land Corp president Frede­rick Go.

Pinagpahinga ni Monterubio ang No. 89 Kevin Cudiamat, 21-11, 21-11, upang umabot sa semifinals na kung saan tinalo niya si No. 10 Ros Pedrosa sa tatlong sets, 21-18, 16-21, 21-10.

Si Albo ay nanaig kay No. 2 seed Nur Farisma ng Indonesia, 21-16, 12-21, 20-12 (ret.) para pumasok sa championship round sa palarong idinaos katulong ang Smart Live More, Smash Pilipinas, the PNRS and Partners Cup at Li-ning bilang official shuttlecock.

Samantala, nagsagawa ng exhibition matches sina dating Chinese No. 1 Wang Lin at Wang Xin para katampukan ang 11th taon ng kompetisyon.

 

Show comments