Biyaheng Tokyo nakataya sa 2014 MILO Marathon

MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang tiket para sa 2014 Paris Marathon noong nakaraang taon ay dalawang silya naman para sa 2015 Tokyo Marathon ang nakataya para sa 2014 MILO National Finals.

Ito ang inihayag kahapon nina MILO Sports Marke­ting Manager Andrew Neri at MILO Sports Marketing Executive Robbie De Vera ukol sa matatanggap ng hihiranging kampeon sa men’s at women’s division ng National Finals.

Noong nakaraang taon ay sina Eduardo Buenavista at Mary Joy Tabal ang nanguna sa 2013 National Finals na nagbigay sa kanila ng pagkakataong makalahok sa 2014 Paris Marathon noong Abril.

Nakasabayan ni Buenavista ang kapwa Olympian at ang nagkampeong si Kenenisa Bekele ng Ethiopia at nagsumite ng oras na 2:33:20 para tumapos bilang pang-42.

Nagtala naman si Tabal ng bilis na 2:57:28 at pumuwesto sa ika-17 sa women’s division.

Ngayong taon ay idedepensa nina Buenavista at Tabal ang kanilang mga korona para sa hangaring mu­ling maging kinatawan ng bansa para sa 2015 Tokyo Marathon.

Magsisimula ang labanan sa MILO sa pamamagitan ng mga elimination legs sa Baguio City (Hunyo 29), Dagupan (Hulyo 6), Tarlac (Hulyo 13), Angeles City (Hulyo 20), Manila (Hulyo 27), Naga (Agosto 24), Lucena (Agosto 31), Puerto Princesa (Setyembre 7), Lipa (Set­yembre 14), Iloilo (Setyembre 21), Bacolod (Setyembre 28), Tagbilaran (Oktubre 5), Cebu (Oktubre 12), Butuan (Oktubre 19), Cagayan De Oro (Nobyembre 9, General Santos City (Nobyembre 16) at Davao (Nobyembre 23).

Ang National Finals ay nakatakda sa Disyembre 7 sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.

 

Show comments