76TH Tata Steel Masters Chessfest So tumabla kay Nakamura, sosyo pa rin sa liderato

MANILA, Philippines - Tumabla  si Filipino Grandmaster Wesley So kay se­cond seed at number three sa mundo Hikaru Nakamura ng US upang manatiling nakasalo sa unang puwesto matapos ang second round ng 76th Tata Steel Masters sa Wijk aan Zee sa The Netherlands noong Linggo.

Si So na nanalo kay Hungarian Richard Rapport sa pagbubukas ng kompetisyon noong Sabado, ay nagkaroon pa ng positional advantage kay Nakamura matapos ang palitan.

Pero dahil komplikado ang mga posisyon ng kanyang piyesa, inalok ni So ng draw ang 2789 ELO rating na si Nakamura matapos ang ika-26th na sulong na agad na tinanggap.

“Most of the time I think it was unclear. I’m not really sure of what will happen,” wika ni So sa postgame interview.

May 1.5 puntos si So pero siya ang nasa unahan sa talaan kasunod nina No. 2 Leon Aronian ng Armenia, No. 5 Sergey Karjakin ng Russia, Anis Giri ng Netherlands at Nakamura na nakasalo sa unang puwesto.

Sunod na kalaban ng number 28 sa mundo na si So si Arkadij Naiditsch ng Germany at binibigyan ang Pinoy woodpusher na makakuha ng panalo dahil si Naiditsch ay natalo sa kanyang unang dalawang laro.

Pero hindi siya dapat na magkumpiyansa dahil ang German player na may ELO rating na 2718, ay nanalo at tumabla kay So sa huling dalawang pagtutuos.

Show comments