Leonard isinalba ang Spurs sa panalo

SAN ANTONIO--Umiskor ng 13 puntos sa kabuuang 17 sa laro sa second half si Kawhi Leo­nard at ang San Antonio Spurs ay umani ng 104-86 panalo sa Minnesota Timberwolves noong Linggo.

Ang pag-iinit ni Leonard ang pumuno sa pagkawala ni Danny Green na dumanas ng sprained finger sa ikalawang yugto.

Wala rin sa koponan sina Manu Ginobili at Tia­go Splitter pero hindi ito naram­daman dahil may 15 puntos si Tim Duncan, may 14 puntos at 10 assists si Tony Parker habang sina Matt Bonner at Patty Mills ay naghatid pa ng 14 at 11 puntos para ibigay sa Spurs ang ikaapat na sunod na panalo.

Sa ikatlong yugto gumana si Leonard nang ibagsak ang siyam na puntos at ang kanyang huling puntos sa yugto, isang lay-up, ang nagbigay sa home team ng 81-71 kalamangan papasok sa final canto.

May 6-of-9 shooting sa second half si Leo­nard habang si Bonner ay sumablay lamang sa isa sa limang tres na pinakawalan sa laro.

May 22 puntos si Nikola Pekovic, si Kevin Love ay may 14 at si Alexey Shved ay may 11 para sa natalong Minnesota.

Sa Sacramento, tumapos si Isaiah Thomas ng 26 puntos at banderahan ang Kings sa pagposte ng ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng 124-80 pananaig laban sa Cleveland Cavaliers.

Umiskor ang Kings ng 16 sunod sa third period at lumayo ng 28 puntos patungo sa final canto.

Ito ang unang ikatlong sunod na pananalasa ng Sacramento simula noong Disyembre 2012.

Sa Memphis, tumipa si Mike Conley ng 21 puntos, bukod pa ang 13 assists at nagdagdag naman si Zach Randolph  ng 18 puntos at 12 rebounds upang iangat ang Grizzlies sa 108-101 tagumpay laban sa Atlanta Hawks.

Kumana si Paul Millsap ng 21 puntos para sa Hawks, na nanalo ng dalawang dikit.

Show comments