Smart, Cignal live na ipalalabas ang Pacquiao-Rios fight sa mga evacuation centers

MANILA, Philippines - Makikipagtambal  ang Smart Communications, Inc. sa Cignal para maipalabas ng libre ang laban ni Manny Pacquiao at Brandon Rios sa mga evacuation centers na siyang hinihimpilan ng mga nabiktima ng super typhoon na Yolanda.

Gagamitin ng Smart ang Talk ‘N Text na siyang tutugon sa gastusin sa pagpapalabas ng laban bukas sa mga evacuation centers sa Brgy. Tinago Sports Complex sa Cebu City, Ormoc City Stage Plaza at sa Villamor Airbase sa Pasay City.

“We want to bring the fight of Pacquiao to our countrymen affected by the recent calamity,” wika ni Jane Basas, head ng prepaid business group ng Smart.

Naunang inihayag ni Pacquiao na ang labang ito ay iniaalay niya  para sa mga nabiktima ng typhoon Yolanda.

Ang laban ay gagawin sa Cotai Arena sa The Venetian sa Macau, China.

Hanggang kahapon ay halos 87 porsiyento na ng mga munisipalidad at nayon sa Visayas na sinalanta ng super typhoon ay mayroon ng Smart network coverage. Ang mga nagkaroon na ng full network coverage ay ang mga probinsya ng Antique, Bohol, Cebu, Guimaras, Negros Oriental at Southern Leyte. Patuloy naman ang restoration work sa iba pang bahagi ng rehiyon sa ha­ngarin ng Smart na maibalik ang cellular services.

 

Show comments