Winalis ang NU sa semis: UST vs La Salle sa finals

Laro sa Miyerkules

(Smart Araneta Coliseum)

4 p.m.   La Salle vs UST

 

MANILA, Philippines - Nakumpleto ng UST ang  makasaysayang kampanya sa UAAP men’s bas­ketball Final Four nang tuluyang pabagsakin ang number one team na National University, 76-69,  kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Kevin Ferrer ay may 18 puntos at sila ni Jeric Teng ang siyang gumawa ng  mahahalagang buslo sa huling yugto upang maitakda ang Tigers bilang kauna-unahang number four ranked team na umabante sa Finals.

“Hindi ko akalaing aabot kami sa Finals dahil marami ang nagdududa rin sa kakayahan ko na mag-coach,” umiiyak na winika ni UST coach Alfredo Jarencio bago nilisan ang press room bunga ng ‘di mapigil na emosyon.

Naipanalo ng Tigers ang laban kahit nawala ang maagang 11 puntos na kalamangan at ang pagkakalagay sa foul trouble ni Karim Abdul sa first half.

Pero hindi nawala ang determinasyon ng ba­wat manlalaro ng UST at humu­got sila sa karanasang nakuha nang puma­sok sila sa Finals noong nakaraang taon bago natalo sa Ateneo.

Ang tres ni Jeoffrey Javillonar ang naglagak sa pinakamalaking kalama­ngan ng Bulldogs sa laro na 56-52, pero tumugon sina Ferrer at Teng ng pitong puntos para itabla ang iskor sa 59-all.

Bumuslo ni Gelo Alolino para ibigay sa NU ang 61-59 kalamangan ngunit nalibre si Ferrer sa 3-point line para sa isa sa pang tres na nagpasiklab sa 8-0 bomba upang hawakan ng UST ang siyam na puntos na lamang (70-61) sa huling 46 segundo ng labanan.

“Iyong crowd ang naka-hyper sa amin. Para sa akin, destiny namin ito,” wika ni Ferrer.

Si Teng  ang nanguna sa UST sa kanyang 19 puntos upang matupad ang pinangarap na makati­kim ng titulo bago iwan ang liga.

Naroroon din si Aljon Mariano na may 12 puntos habang si Sheak Shariff ang nagdala sa opensa sa hu­ling 10 minuto ng labanan.

Nauwi naman sa bangungot ang naunang makinang na kampanya ng tropa ni coach Eric Altamirano  para manatiling bigo ang inasam ng mga panatiko na makatapak uli ng championship round na huling nangyari noon pang 1970.

Si Bobby Parks Jr. ay may 15 puntos pero hindi siya pumuntos sa hu­ling yugto dahil sa depensa ni Ferrer. Hindi pa niya natapos ang laro dahil sa cramps sa huling isang minuto ng bakbakan.

Ang papaalis na 6’7 center na si Emmanuel Mbe ay tumipa ng 10 puntos lamang at hindi niya nagawang dominahin ang laro noong nakaupo sa bench si Abdul dahil sa fouls.

Kalaban ng Tigers ang napahingang La Salle sa best-of-three Finals at ito ay magsisimula sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.

Samatala, itinakda ng UAAP ang pamamahagi ng individual awards sa Oktubre 5 na siyang Game Two ng Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tampok na parangal ang makukuha ni Terrence Romeo sa seniors division  dahil ang FEU guard ang siyang gagawaran ng Most Valuable Player Award sa 76th season.

Siya rin ang kikilalanin bilang isa sa dalawang guards sa Mythical Five na kung saan makakasama niya si Roi Sumang ng UE (guard), dating two-time MVP Bobby Ray Parks Jr. ng National University at Jason Perkins ng La Salle bilang forwards at Karim Abdul ng UST bilang center. Rookie of the Year si Kyles Lao ng UP.

Sa kababaihan, si Camille Sambile ng FEU ang siyang MVP habang si Joy Sto. Domingo ng UE ang ROY. Si Thirdy Ravena ng Ateneo Blue Eaglets ang MVP sa juniors.

Show comments