Singletary bumandera sa panalo diretsong dos sa Barako

Hinawi ni Eman Monfort ng Barako Bull si Mike Cortez ng Air21 sa isang tagpo sa kanilang laban.

MANILA, Philippines - Matapos matalo sa ka­ni­lang unang laro, sumasakay nga­yon ang Energy sa isang two-game winning roll.

Tinalo ng Barako Bull ang Air21, 103-94, tampok ang game-high 41 points ni import Michael Singletary, sa elimination round ng 2013 PBA Governor’s Cup ka­hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nauna nang natalo ang Energy sa Talk ‘N Text sa over­time, 113-118, noong Agos­to 16 bago takasan ang Meralco, 90-89, noong Agosto 18.

Nagdagdag naman sina Danny Seigle at Ronjay Buen­afe ng tig-18 markers ka­sunod ang 12 ni pointguard Eman Monfort.

May 2-1 record ngayon ang Barako Bull katabla ang nagdedepensang Rain or Shine (2-1), Globalport (2-1) at Petron Blaze (2-1) kasunod ang Talk ‘N Text (1-0), Barangay Ginebra (1-1), Air21 (1-2), Meralco (1-2), Alaska (0-1) at San Mig Coffee (0-2).

Kasalukuyan pang nag­lalaban ang Tropang Texters at ang Mixers habang isinusulat ito.

“It’s a big win for us,” sa­bi ni Serbian coach Raj­ko Toroman sa kanyang Energy. “We played good basketball in the first half but the game is not over.  Air21 has a lot of offensive  skills. It’s really hard to stop (Zach) Graham.”

Tumapos si Graham na may 34 points para sa Ex­press kasunod ang tig-12 nina Niño Canaleta at Carlo Sharma at 10 ni Mike Cortez.

Matapos kunin ang 29-23 bentahe sa first period ay nag-init ang opensa ng Energy para angkinin ang malaking 65-47 kalama­ngan sa halftime.

Mula sa 83-71 bentahe ng Barako Bull sa third period ay nakalapit ang Air21 sa 92-94 agwat sa huling apat na minuto sa fourth quarter bu­hat sa isang three-point shot ni Canaleta.

Isang maikling 7-2 ratsada ang ginawa ng Energy, tampok dito ang isang tres ni Monfort sa huling 3:00 ng laro, para muling iwanan ang Express sa 101-93 sa natitirang 1:16 nito.

 

Show comments