2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxingfest Bornea, Marcial sa semis

MANILA, Philippines - Tiniyak na nina World Junior Champion Eumir Felix Marcial at World Youth bronze medalist Jade Bornea ang bronze medals sa idinadaos na 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships nang umani ng mga panalo sa hinarap na laban sa quarterfinals kahapon sa Subic Gym.

Hindi pinaporma ni Marcial ang pambato ng China na si Wang Qingqui, 19-11, sa light welterweight habang si Bornea ay pinagpahinga si Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan, 16-6, sa light flyweight division.

“Inasahan talaga natin itong dalawa dahil beterano na sila at nanalo rin ng medalya sa mga mala­laking international tour-­ naments,” wika ni coach Romeo Brin.

Matapos ang 4-4 tabla ay gumana na si Marcial at ipinatikim sa katunggali ang matitinding kumbinasyon para lumayo na sa pagtatapos ng second round, 13-8.

“Hindi pa masyadong mainit at matindi rin sumuntok iyong kalaban. Pero noong nakuha na ang distansya dinomina na niya,” paliwanag ni Brin sa diskarte ni Marcial.

Agad namang ipinakita ni Bornea ang angking husay kay Avatov nang ha­­wakan ang 8-1 at 15-9 ka­lamangan.

“We are on the right path,” wika ni ABAP president Ricky Vargas matapos ang pag-usad sa semifinals ng dalawa sa limang inilalaban sa torneong inor­ganisa ng ABAP-PLDT at may suporta ng MVP Sports Foundation at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Ang nalalabing tatlong boksingero na sina flyweight Clark Bautista, bantamweight Jonas Bacho  at lightweight James Palicte ay nagtangka ring pumasok sa semis ng kanilang dibisyon kagabi habang sinusulat ang balitang ito.

Show comments