Rockets binomba ang Lakers

HOUSTON--Palaging pinapaalalaha­nan ni interim Houston coach Kelvin Sampson ang kanyang mga reserves na may mga pagkakataon na matamlay ang kanilang mga stars at kailangan nilang tulungan ang Rockets.

Nagposte si Toney Douglas ng season-high 22 points at nagdagdag si Greg Smith ng career-best 21 markers para tulungan ang Rockets sa 107-105 pananaig laban sa Los Angeles Lakers.

Naniniwala si Douglas na ang pagpapayabong ng talento ng mga bench pla­yers ng Houston ay magiging mahalaga sa pagdaan ng season.

Umiskor ang mga reserves ng Houston ng season-high 59 points kumpara sa 20 ng Lakers’ bench.

Nagtala ang Lakers ng isang 13-point lead sa ilalim ng 10 minuto sa fourth qua­rter.

Ngunit umarangkada ang Houston gamit ang isang 9-2 spurt na tinampukan ng 3-pointer ni Douglas para sa kanilang 100-99 kalamangan sa huling 2:30.

Tatlong freethrows ang isinalpak ni Dwight Howard ng Lakers kasunod ang basket ni Smith at apat na freethrows ng Houston para sa kanilang 106-102 abante.

Kumonekta si Kobe Bryant ng isang 3-pointer sa natitirang 13.3 segundo at di­nala ni Bryant si Douglas para sa split nito sa huling 8.8 segundo.

Tumalbog ang tangkang tres ni Bryant at naimintis ni Metta World Peace ang kanyang layup para sa kabiguan ng Lakers.

Show comments