MANILA, Philippines - Handa na uli si Gretchen Abaniel na maging world champion sa larangan ng women’s boxing.
Lalabanan ni Abaniel si Thai boxer Modthanoi Sithsaithong ngayong hapon sa Makati Cinema Square para paglabanan ang bakanteng Women’s International Boxing Association (WIBA) minimumweight title.
Dating titulo ito ni Abaniel ngunit naisuko noong natalo kay Samson Tor Buamas ng Thailand noong 2011.
Sinikap ni Abaniel na makabalik sa pagiging isang world champion pero lumagapak siya sa kamay nina Katrina Gutierrez ng Mexico at Teeraporn Pannimit ng Thailand para sa IBA at WBO minimumweight titles.
Tiniyak naman ng 27-anyos tubong Puerto Princesa City, Palawan na handa na siya para harapin ang hamon ni Sithsaithong na may limang panalo sa anim na laban.
“Mahalaga ang laban na ito para sa akin dahil magagamit ko ito bilang stepping stone para makilala uli at makalaban ang mga mahuhusay na female boxers sa mundo,” wika ni Abaniel na tumimbang ng 100-pounds sa weigh-in kahapon.
Ipaparada ni Abaniel ang 11-4 kasama ang 2 KO karta sa pagsukat kay Sithsaithong na kahit limitado pa lamang ang laban sa boxing ay hindi puwedeng biruin dahil beterano ito ng laban sa muay thai.
Ang fight card ay handog ng Team Insider at magsisilbing panghimagas sa main event ang pagtutuos nina Roman Canto at Ruben Manakane ng Indonesia.
Magtutuos din sina Ricky Dulay at Gilbert Donasales sa isa pang laban.
Si Dulay ay dating nagbalak na masama sa national team pero nabigo kaya’t nagdesisyon na mag-pro sa ilalim ng Team Insider.