Arquitectos, During’s BBQ wagi sa DELeague

MANILA, Philippines - Nakitaan din ng sigla ang laban ng Arquitectos Cons­truction at During’s BBQ nang kunin ang unang panalo sa DELeague Open Invitational Basketball Cup noong Martes ng gabi sa Marikina Sports Park gym sa Marikina City.

May 24 puntos, 6 assists at 5 rebounds ang beteranong guard na si Lou Gatumbato para igiya ang Arquitectos sa 95-81 panalo laban sa Power Networks tungo sa unang panalo matapos ang apat na laro.

Ito ang ikatlong sunod na pagkatalo ng Power Networks na pinangunahan ni Mel Mabigat sa kanyang 31 puntos at 10 rebounds.

Tinapos din ng During’s BBQ ang tatlong dikit na kabiguan sa 98-89 panalo laban sa Globe Telecom sa isa pang laro.  Si Edwin Asoro ay may double-double na 16 puntos at 10 rebounds para sa During’s na ipinatikim din sa Globe ang ikalimang pagkatalo laban sa isang panalo.

Ang ligang ito ay inorganisa ni Marikina Mayor Del de Guzman at suportado ng PCA-Marivalley, OLOPS College, Jekasa Sportswear, Hobe Bihon, Mckie’s Video, Simply Delicious at Luyong Panciteria.

Show comments