MARAMING problema ang hatid ng Philippine offshore and gaming operators (POGOs) sa bansa. Pero sa kabila niyan, patuloy pa ring kinukupkop ng pamahalaan. Wala namang naidudulot sa ekonomiya ng bansa pero patuloy pa ring namamayagpag. Walang balak suspendihin o palayasin sa bansa ang POGOs.
Mula nang mag-operate ang POGOs sa bansa noong 2017, marami nang krimen na kinabibilangan ng pagpatay, kidnapping, human trafficking, crypto scam, money laundering, prostitution at iba pa ang naganap. Sa halip na ang maproteksiyunan ng Philippine National Police (PNP) ay ang mamamayan, ang mga krimen na hatid ng POGOs ang binabantayan at kumakain ng kanilang oras. Bukod sa idinulot na krimen, hindi nagbabayad ng buwis ang mga POGOs kaya walang naitutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Noong nakaraang buwan, mahigit 800 katao ang na-rescue ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang POGO hub sa Bamban, Tarlac. Sangkot ang POGO hub sa human trafficking, scam at illegal detention. Karamihan sa mga na-rescue ay Chinese Ayon sa PAOCC, sinalakay nila ang POGO hub makaraang magreklamo ang isang Vietnamese national na nakatakas sa POGO hub. Bukod sa Vietnamese, isang Malaysian national din ang humingi ng tulong sa PAOCC sapagkat ikinukulong sila sa compound na pinagtatrabahuhan.
Maraming mambabatas ang pabor na buwagin na ang POGOs sapagkat ayon sa kanila, walang napapakinabang dito kundi ang pagdami ng krimen. Sampung senador ang nagpahayag na dapat nang buwagin ang POGOs. Nagsumite na ng report ang mga senador na nagdedetalye na hindi nagbabayad ng buwis ang POGOs.
Sa kabila na maraming mambabatas ang pabor sa pagbuwag sa POGOs, wala namang pagkilos sa pamahalaan at hinahayaan pang mamayagpag. Hindi malilimutan ang minsan ay sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na wala pa siyang nakikitang magandang dahilan para suspendihin ang POGOs. Ganito pa rin kaya ang posisyon ng Presidente kahit marami nang masamang pangyayari na naidulot ang POGOs? Maghihintay pa rin kaya ng magandang dahilan? Sana mamulat ang kanyang mata at walisin na ang POGOs.
Kung wala pa ring pagkilos ang pambansang pamahalaan, dapat ang mga local government units (LGUs) na ang kumilos para mawakasan ang POGOs sa bansa. Paigtingin ng mga mayor ang kampanya na ipagbawal ang POGOs.
Sa kasalukuyan, dalawang mayors pa lamang sa Metro Manila ang lantarang kumukontra sa POGOs —si Pasig Mayor Vico Sotto at Valenzuela Mayor Wes Gatchalian. Sila pa lamang ang matapang na lumalaban sa perwisyong POGOs.
Tularan sana sila ng iba pang mayors.