KoC, namahagi ng tulong sa foundation sa Cavite

Noong Setyembre 5, masuwerte akong nakasama sa early gift giving ng Knights of Columbus-Bagong Buhay Council 11953 sa Barangay Carasuchi, Indang, Cavite. Nakapagbigay ng ligaya ang KoC sa mga ulila sa loob ng San Jose Balay Alima Foundation Inc. bilang pagselebra sa kaarawan ni Grand Knight Jose Se­verino.

Namigay ang KoC ng dalawang wheel chairs at groceries. Nagkaloob din ng pera na nagmula sa bulsa ng KoC members na sina SO Petronilo Magno, Herculano Dong Elic, Sister Araceli Severino and children at Noner Torreno.

Ang foundation ay pinatatakbo ng cancer survivor na si Rosemarie Galea mula 1994. Ang mga kinukupkop ng foundation ay mga biktima ng karahasan, pang-aabuso, sakuna at mga inabandonang matatanda sa kalye. Ayon kay Rosemarie, may ilang good Samaritans at LGUs ang sumusuporta sa kanilang foundation subalit hindi sapat para mapakain ng sapat ang kanilang kinukupkop na matatanda at mga may kapansanan. May ilang personal na nagbibigay ng tulong financial o groceries na pinagkakasya nila.

Kaya sinasanay ng foundation ang mga ulila sa pagtatahi ng basahan at pagtatanim ng halaman na ipinagbibili nila upang magkaroon ng extrang pagkakakitaan. Kaya kung may magbibigay pa ng tulong, malaking bagay na ito sa kanilang foundation.

Ayon kay Senior Staff Stella Cueno, ang foundation­ ay nangangailangan ng bigas, itlog, canned goods, gatas­, kape, asukal, biscuits, karne, gulay, prutas, diaper large, surgical gloves, face masks, alcohol, detergent powder, Zonrox, bath soap, shampoo, toothpaste at cleaning mats.

Sa mga nais mag-donate, ideposit sa San Jose Balay Alima Foundation Inc., PNB account# 2439-7000-3790; BDO account: Rosemarie Galea BDO account#: 00752­0003783 at GCash TNT: 09109496337.

Show comments