Iligal na istruktura sa beach sa Bgy. Pugo

NILALAPASTANGAN ang kagandahan ng beach sa Barangay Pugo, Bauang, La Union na tinayuan ng mga permanente at pangnegosyong buildings gaya ng beach houses.

Mahigit dalawang taon nang inirereklamo ang iligal na pag-okupa sa public land na walang pakundangang pinagkakakitaan ng mga pribadong indibidwal na animoy pag-aari nila ang beach.

Nag-imbistiga ang Bauang LGU, ngunit dumulog pa ito sa pamahalaang probinsyal upang humingi ng payo. Kaya naman nila itong resolbahin ayon sa kapangyarihang naigawad dito ng local government code.

May kinatatakutan kaya ang pamunuan ng Bauang, La Union lalo ang building official kaya hindi maipatupad ang batas laban sa pangangamkam sa pampublikong lupain?

Noon pang Pebrero 10, 2022 nag-issue ng Notice of Violation ang La Union Provincial Environment Office ngunit tinulugan nila. Nanatiling Notice of Violation na lamang ang aksyon nila at hindi nagsampa ng kaso laban sa mga taong lumalapastangan sa batas at kapaligiran.

Nililitis na ng Office of the Ombudsman ang rekla­mong gross neglect of duty, dereliction of duty,  paglabag section 3C ng Anti-graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa RA 11032 o Ease of Doing Business Act kontra kina Maximo Soriano Jr., Engr. Raymundo Gayo, Engr. Cezar Manuel Cabansag, Atty. Claro Ramolete at Alfredo Racoma Jr.

Nakita sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bauang ang pagwawalaambahala sa sinumpaang tungkulin. Mabigat ang mga kahaharapin nilang mga kaso laban a DENR-La Union.

Nananawagan ang mga taga-Bgy. Pugo sa agarang pagtalima ng mga halal na opisyal na magpatupad ng batas sa kapakanan ng kapaligiran.

***

Para sa suhestiyon:art.dumlao@gmail.com

Show comments