Selebrasyon ng Chinese New Year, mapayapa  

NAGING mapayapa at masaya ang selebrasyon ng Chinese New Year sa buong bansa dahil sa matagumpay na pagbi­bigay ng seguridad ng Philippine National Police. Magandang accomplishment ito sa liderato ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. Sa Maynila kung saan naka sentro ang selebras­yon ng Chinese New Year ay matamang minonitor ni Manila Police District (MPD) director B/Gen. Andre Dizon ang lahat ng kaganapan upang masiguro ang seguridad. Bagamat naging masalimuot ang daloy ng trapiko sa kapaligiran ng Binondo, naisaayos naman agad ito ni Manila Traffic Bureau chief Maj. Olgado.

Dinayo nang maraming tao ang fireworks display sa Intramuros/Binondo Bridge. Namutiktik ang tulay ng Jones Bridge sa rami ng tao. Siyempre hindi mawawala ang Dragon Dance sa kapaligiran ng Binondo kaya limpak-limpak na pera ang kinita ng mga organizers nito. Patunay lamang ito na sumusulong na ang ekonomiya ng bansa matapos na luwagan na InterAgency Task Force (IATF) ang Health Standard Protocols. Malinaw na unti-unti nang buma­baba ang mga tinatamaan ng COVID-19.

Pero huwag naman sanang maging kampante ang mga kababayan na nakipagkumpulan sa selebrasyon ng Chinese New Year sa Maynila dahil hindi pa tuluyang inaalis ng World Health Organization ang banta ng COVID-19. Kaya kung mayroon kayong masamang nararamdaman sa katawan, magpa-test upang madaling matukoy ng Department of Health at ma-isolate kayo sa inyong mga tahanan upang hindi na ito kumalat sa mga mahal sa buhay.

Samantala, naging maayos at ligtas naman ang selebrasyon ng Dinagyang Festival sa Iloilo City. Walang na­ita­lang kaguluhan sa selebrasyon matapos bigyan ng segu­ridad ni Police Regional Office-6 chief M/Gen. Leo Francisco­ ang mga Ilonggo. Ang masaklap lang, daan-daang turista at mga local tourist ang nadismaya matapos mag­karoon na naman ng aberya ang Philippine Airspace control nang maantala ang paglanding ng mga eroplano mula Manila sa Iloilo airport.

Subalit hindi ito naging hadlang para sa mga Ilonggo at mga bisita dahil ang kasiyahan ay naging sulit naman sa pagsasayaw sa kalye. Kung sabagay bihasa na si M/Gen. Francisco sa mga ganitong malalaking okasyon dahil sa mahaba niyang karanasan sa Metro Manila bago maging hepe ng Western Visayas Region. Saludo ako sa kasipagan n’yo Generals Francisco at Dizon. Mabuhay kayo!

Show comments