Huwag sanang mapulitika pagbibitiw ng police officers

Iilan na lamang umano ang mga heneral at kolonel ng Philippine National Police na hindi nagsusumite ng ka­nilang courtesy resignation. Kaya bago matapos ang buwan na ito, lahat nang 956 na heneral at kolonel ay nakapagbitiw na sa puwesto bilang pagsunod sa apela ni DILG secretary Benhur Abalos. Ang courtesy resignation ay pinangunahan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Nung una ay kakaunti lang ang naghahain ng resignation at ang nakikita kong dahilan ay may naaamoy silang nahahaluan na ito ng pulitika. Nasabi ko ito dahil sa nang­yari nitong nakaraang araw na pagsibak kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Ronald Lee. Nalaman ko na ang pagkakasibak kay Lee ay may kaugnayan umano sa pulitika. Tikom naman ang mga bibig ng ilang opisyales ni President Ferdinand Marcos Jr. sa isyung ito.

Si Lee ay nagsilbing police director ng Cordillera Autono­mous Region (CAR) at may maganda siyang record. Ma­rami siyang accomplishment kabilang na ang pagsalakay sa marijuana plantations. Bumaba rin ang krimen dahil sa walang humpay nitong pagsalakay at paghuli sa mga wan­ted persons na matagal nang naglulungga sa Cordillera. At nang pamunuan ni Lee ang CIDG, marami silang nahuling mga pusakal na criminal. Subalit bigla na lamang siyang sinibak sa puwesto.

Ito ang nakikita kong dahilan kung bakit nagdadala­wang-isip ang mga senior officers ng PNP na maghain ng kanilang courtesy resignation. Ang kabutihan nito sa kabila ng alinlangan ng ilang heneral at kolonel sa pagsumite ng kanilang resignation, patuloy pa rin ang kanilang trabaho at nanaig pa rin ang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin sa madlang people lalo na sa kampanya kontra droga ni PBBM.

Si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief MGen. Jonnel C. Estomo ay isinalang sa drug test ang dala­wang opisyal at 44 na pulis. Ayon kay Estomo, kapag nag­positibo ang mga ito ay agad silang sisibakin sa puwesto at kakasuhan. Tiyak na tatalima ang mga district director ng Metro Manila sa utos ni Estomo upang malinis na nang tuluyan ang mga pulis na pushers, users at nagri-recycle ng droga.

Sa palagay ko, may katwiran naman si Abalos na pag­sumitihin ng courtesy resignation ang senior police officials dahil mula nang manahin ni PBBM ang problema sa droga, patuloy pa rin itong namamayagpag sa kasalukuyan. Kaya sa pagsumite ng courtesy resignation ng mga police officers, masasala ang mga sangkot sa kalakaran ng droga. Yun nga lang, baka mapulitika ito. Huwag naman sana.

Show comments