QC handa na sa balik-eskuwela

ALINSUNOD sa kautusan ng Department of Education na 100% face-to-face classes sa lahat ng antas sa Nobyembre, balik-eskuwela na ang mga estudyante sa Agosto 22 matapos ang dalawang taon na online classes at paggamit ng modules.

Puspusan na ang paghahanda ng  lokal na pamahalaan para matiyak na maayos, ligtas at masaya ang pagbabalik-eskuwela ng ating mga mag-aaral. Katuwang ang Schools Division Office, inaayos at inihahanda na ng Education Affairs Unit ng lokal na pamahalaan ang mga pampublikong paaralan. Handa na rin ang school supplies na ipapamahagi sa mga estudyante, karagdagang kagamitan para sa mga guro at iba pang learning at teaching materials. Bukod dito, may alokasyon din para sa laptops, tablets at internet para sa hybrid o combined face-to-face at online classes. 

Kabilang sa paghahanda sa pasukan ang pagsasagawa ng City Health Department ng fogging at spraying sa mga pampublikong paaralan, lalo’t mataas pa rin ang kaso ng dengue sa lungsod.

Kasabay naman ng pagbabalik-eskuwela ng ibang estudyante ang pagtatapos sa Alternative Learning System (ALS) ng persons deprived of liberty (PDL). 

Noong Agosto 6, 128 na babaing PDL mula sa Quezon City Female Jail Dormitory ang nagsipagtapos ng elementary at junior high school sa ilalim ng ALS. Pinangunahan ang nasabing programa ng Bureau of Jail Management and Penology, QC Female Dorm, QC Schools Division Office-ALS Program, katuwang ang QC Gender and Development Council at ang No Woman Left Behind Program.

Nakakatuwang makita ang mga nakapagtapos na PDL dahil sa kabila ng kanilang sitwasyon sa buhay, nagsumikap pa rin silang ituloy ang pag-aaral. Sa kanilang ­paglaya, makatutulong ang kanilang natutunan sa kanilang pagbabalik sa komunidad at paghahanap ng trabaho para makatulong sa kani-kanilang pamilya.

Show comments