Huwag balewalain ang checkpoint

Maraming Comelec checkpoint ngayon sa buong bansa. Layunin ng checkpoint na mapigilan ang mga grupo na maghasik ng kaguluhan ngayong panahon ng election­. Kaya lahat nang motorista ay nararapat na huminto sa Comelec checkpoint upang masilip ng mga pulis at mga sundalo ang loob ng sasakyan upang matiyak na walang dala-dalang armas o pampasabog. Subalit may mga mati­tigas ang ulo na binabalewala  ang check point kaya nagi­ging dahilan ng habulan at nauuwi sa barilan.

Ganyan ang nangyari sa Pilar, Abra kamakalawa. Bina­lewala ng convoy ni Pilar Vice Mayor Josefina Somera Disono­ ang Comelec checkpoint at nagkaroon ng habulan at barilan. Sa dashcam video na nakuha ng PNP Abra, makikitang pinalampas ng mga pulis ang dalawang SUV dahil kilala ng mga ito na sasakyan ni Disono. Subalit ang mga kasunod nitong van ay pinara dahil hindi kilala ang mga sakay. Doon nagsimula ang habulan at barilan.

Napag-alaman na bodyguards pala ni Disono ang nakaengkuwentro. Ayon kay Abra Provincial Office director Col. Maly Cula, pinara umano ng kanyang mga tauhan ang convoy ng mga sasakyan subalit sa halip na huminto­, tumalilis umano ang mga ito. Hinabol ng mga pulis hang­gang sa compound ni Disono. Pinaligiran ng mga pulis at sundalo ang compound.

Pinayagang makapasok ang SOCO sa compound at nakita sa van ang isang patay na lalaki na may tama ng bala. Subalit sa bersiyon ni Disono, natakot umano ang kan­yang mga tauhan nang harangin kaya tumalilis ang mga ito.

Iniimbestigahan na ng PNP ang pangyayaring ito. Sinabi ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na kabilang ang Pilar, Abra sa mga hot spot na kanilang tinukoy at bina­bantayan sa kasalukuyan.

Mukhang dito masusubok ang liderato ni Carlos. Hindi dapat maging ningas kogon ang imbestigasyon sa pang­yayaring ito. Kapag walang nangyari, bababa ang tingin ng sambayanan sa PNP. Samantala, sumuko na ang 12 body­guards ni Disono. Mga dating sundalo pala ang mga ito.

Show comments