A Vomit-eating Philippine politics

Ang PDP-Laban ay partidong magkasamang binuo ng mga yumaong senador Aquilino Pimentel Jr. at Benigno Aquino Jr. bago pa man mangyari ang EDSA People Power Revolution noong 1986.

Pinagsama ang Partido Demokratiko ng Pilipinas ni Pimentel at ang partidong Laban ni Ninoy kaya naging PDP-Laban. Naging instrumento ito para mapatalsik sa kapangyarihan si Presidente Marcos kasunod ng asasinasyon sa Manila International Airport (MIA) ni Ninoy. Marami na ang nangyari. Natanggal si Marcos at pinalitan ng biyuda ni Ninoy na si Cory and the rest is history, wika nga.

Sa panahon ni Presidente Duterte, nahati ang PDP-Laban sa dalawa: Paksyon ni Energy Secretary Al Cusi at paksyon ni Sen. Koko Pimentel na anak ng yumaong Senador Pimentel. Galit ang nakababatang Pimentel sa ginawang pag-endorse ng Cusi faction ng PDP-Laban sa Presidential bid ni Ferdinand Bongbong Marcos, at may katwiran siya.

Labag nga naman sa prinsipyo ng partido ang ginawa ng Cusi faction. Para nitong kinain ang sariling suka sa pagsuporta nito sa kandidatura ng batang Marcos. Grabe talaga!

Wala yatang partido pulitikal na may matuwid na prin­sipyo kundi makasariling interes lang. Uso na yata ang ka­inan ng sariling suka. Ang Isa pang kaso ay ang biglaang pagsuporta ng Partido Reporma ni Pantaleon Alvarez kay Presidential bet Leni Robredo kasabay ng paglalaglag nito sa sariling kandidato na si Ping Lacson. Kawawang Ping! Pero tuloy pa rin ang kandidatura niya bilang independent candidate.

Noong araw, si Alvarez ay todo-batikos kay Leni sa pagtatanggol kay Duterte. Naghain pa nga siya ng impeachment laban kay Leni.  Kumain din ng isinuka si Alvarez!

Show comments