May mayorya, may minorya

Nagiging paligsahan ng dami ng audience ang mga pamiting ng Presidential candidates saan man sila magpunta. Katatapos lamang ng kay Leni-Kiko sa Pasig na talaga namang nakamamangha ang resulta. Tinapatan nito ang mga higanteng patawag ng BBM-Sara sa kanilang paglibot sa Luzon, Visayas at Mindanao. Maging ang salubong kina Isko-Willie, Ping-Tito Sen at Manny-Lito ay hindi rin matawaran ang tindi ng pagtanggap ng tao. COVID pa ‘yan ah!

Kung sa paramihan ng crowd lang sana idaraan ang eleksiyon, maaring may mangunang isa o dalawa sa mga magkaparis na tumatakbo. Subalit alam natin na hindi ito ang tunay na sukatan ng lakas o puwersa ng kandidatura. Ang turn out ng tao pagdating sa araw ng halalan mismo ang siyang mahalagang aabangan.

Ganoon pa man, malaki rin ang impluwensiya sa nakamasid kapag may bubulagang malaking rally tulad nitong nasa Pasig. Sa isang karerang milya-milya ang lamang ng bumabandera, may impact sa isipan kung makitang hindi naghihingalo ang kalaban. Ang pagputok ng Pasig rally ay nagbigay ng panibagong sigla sa mga suporter na nawa­walan na sana ng pag-asa sa patuloy na pagsikad ng BBM-Sara sa survey.

Ilang eleksiyon na ang ating dinaanan. Nakasaksi na ako ng banderang tapos, meron din namang come-from-behind. Ang pinakamahirap ay iyong naghati-hati ang boto at ang nanalo ay ‘yung maliit lang na pluralidad ang pangkalahatang bilang.

Ang punto ay ito — sana ay mapangatawanan natin ang respetong dapat na inilalaan sa paniwala ng kapwa. Lalo na sa sumusuporta sa mga kandidatong humahabol, nagi­ging mas mapusok. Emosyonal na ang argumento kapag nakikipagdebate at, madalas, nagiging personal nang panlalait ang nangyayari sa halip na programa o plataporma ang pag-usapan. Napagsasabihan tuloy na masyadong “Nega”.

Kailangang respetuhin din ang paninindigang kontra sa ating pinaniniwalaan. Ganoon talaga ang patakaran kapag demokrasya. May mayorya, may minorya. Sinuman ang manalo o matalo, sa pagitan ay respeto.

Show comments