Kinulimbat ng Pharmally ano ang katumbas?

Mga maralita ang nagbabayad ng korapsiyon, ani Pope Francis. Kitang-kita ‘yan sa Pandarambong habang Pan­­demya na nabisto ng Senado. Halos P12 bilyong kon­trata ng medical supplies ang ibinalato ng Duterte admin sa Pharmally Inc. mula Marso 2020. Anim na buwan pa lang ito, P625,000 lang ang kapital, walang opisina, deli­very trucks, bodega, import permit at imbentaryo. Pero pini­nan­siyahan at ginarantiya ito ni Michael Yang, kaibi­gang Chinese at dating special economic adviser ni Pre­sident Duterte. Kaya miski pinakamahal ang mga surgical masks, face shields, personal protective equipment at COVID-19 test kits, dito bumili ang Procurement Service-Dept. of Budget and Management. Fraternity-mate at ap­pointee ni Duterte si Atty. Lloyd Christopher Lao na director ng PS-DBM. Dating abogado ng Davao City Hall ni Duterte.

Ano ang katumbas ng P12 bilyon? Tig-P4,000 ayuda sana ‘yon para sa 3 milyong mahihirap na pamilya. Sa halagang P4,000, tigalawang bakuna rin sana ‘yon ng 3 milyong manggagawang arawan. Sa P5,000 kada buwan, isang taong special risk allowance sana ito ng 200,000 frontline doktor, nurse, orderlies, lab technicians at sikyo sa mga ospital. Sa P6,000 kada smartphone, napa­buti sana ang online learning ng 2 milyong estud­yante. Sa halagang P120,000 kada isa, 100,000 electric tricycles­. Sa halagang P1.2 milyon ang isa, 10,000 electric jeepneys din sana ‘yon. Sa halagang P500,000 ang isa, 24,000 na dagdag na classrooms para layu-layo sa face-to-face ang mga bata nitong pandemya. Sa P1 milyon ang isa, tig-isang bungalow sana ng 12,000 pamil­yang squatter.

Pero ibinulsa ng mga dayuhan at kasapakat na Pilipino ang P12 bilyon na balato sa Pharmally. Pinambili ng mga pansariling Porsche, Lamborghini, at luxury condos.

Nagutom ang mga maralita kasi sabi ng Malacañang, “Wala nang pera pang-ayuda.” Naputulan ng tubig at kur­­yente, o pinaalis sa tirahan. Namatay sa impeksiyon kasi walang panggamot.

Show comments