Hanggang doon na lang?

Bagama’t inihayag na ng 1Sambayan coalition ang kanilang suporta sa 2022 Presidential race, hindi pa rin nagdedeklara si Vice President Leonor G. Robredo ng Liberal Party. Sa nakaraang lima at kalahating taon, si VP Leni ang tumayong sagisag ng oposisyon. Ito’y dahil sa matayog niyang posisyon bilang Vice President kung saan bawat hakbang niya’y malaman agad ng madla gawa ng pagtutok ng media. At hindi nangimi si VP Leni sa pagbigay boses sa komentaryo ng tumututol sa administrasyon. Maging sa international forum ay nagsumbong din si VP Leni sa paniwalang mayroon siyang obligasyon na ibunyag ang katotohanan.

Sa mga hindi sang-ayon sa kanyang ikinilos, ang turing sa kanyang pinaggagawa ay parang nang-aagaw lang ng atensiyon. Sang-ayon man o hindi sa kanyang postura, hindi maikaila na siya ang nagtayo ng bandera ng kritisismo nang walang naglakas loob na magsalita. Mayroon din siyang mga kasamahan, lalo na mula sa dating administration party na Liberal – sina Senators Trillanes, Hontiveros, Pangilinan, Drilon at, siyempre, si Leila de Lima.

Ang kanyang pagdeklara ay inaasahan bago matapos ang linggo. Kung susuriin ang kanyang kandidatura, lalo na kung batay sa mga survey sa ngayon, makikitang hindi siya nangu­nguna. Para bang hindi nagrehistro sa isip ng nakararami ang kahalagahan sa demokrasya ng kanyang nagawa. Sang-ayon man o hindi sa kanyang pulitika, ang ginagampanang papel na oposisyon ay kritikal sa demokratikong lipunan.

Marami sa mga bagong kandidato ay bagong salta pagdating sa paghirit sa administrasyon. Kaliwa at kanan ngayon ang nag-aastang oposisyon kay President Digong para umani ng kung anumang puwersa ng kontra na sa kanyang pamunuan. Subalit hindi pa rin pumupuntos masyado dahil sa mataas pa rin ang rating at tiwala ng tao sa Presidente. Kung anumang benepisyo ng kanyang pagtindig, ang nakinabang ay ang ating mga institusyon at hindi sa kanya mismong personal.

Show comments