Panghihimasok na

Hindi masisisi kung mag-alboroto ang Presidente sa pagkuwestiyon ng mga senador sa pagtalaga niya kay Ginoong Christopher Lloyd Lao sa gobyerno. Kesyo ipinasok ito bilang Undersecretary na head ng procurement sa Department of Budget and Management o dating Chief Executive Officer at Commissioner ng Housing and Land Use Regulatory Board o bahagi ng Presidential Management Staff, isa lang ang dapat na pamantayan. May tiwala at kumpiyansa ba sa kanya ang appointing authority?

Hindi issue ang kuwalipikasyon ni Usec. Lao sa alinman sa mga posisyong naibigay sa kanya. Sa mga ulat ay luma­labas na isa siyang abogado na nagtapos sa top 5 law school na Ateneo de Davao. Dahil pasok naman ito sa kuwalipikasyon, desisyon na ng Presidente kung kampante siyang mapangangatawanan ni Lao ang pangangailangan ng kanyang puwesto.

Sang-ayon man o hindi ang mga mambabatas sa kalidad ng trabaho ni Usec. Lao, malinaw na pagmamalabis ang sumbatan si Lao sa kung papaano nito nakuha ang kanyang posisyon. Kung diskumpiyado sila sa kanyang mukha at kakayanan, ito’y problemang walang solusyon dahil, sa sitwasyong ito, tanging ang estimasyon ng Presidente ang mahalaga.

Ang pag-appoint ng tauhan sa mga ahensiya ng pamahalaan ay prerogatibo ng Presidente. Lahat ng kawani ng Executive branch ay itinuturing na ahente niya. Kapag may nagawang mali ang mga ito, siyempre pananagutin­ dapat. Subalit dahil sila’y kabalikat ng Presidente sa pagpapatupad­ ng katungkulan ng Ehekutibo, ang kumpiyansa ng Presi­dente ang siyang pinakamahalaga.

Kapag may dapat punahin, sige at tumimbre ang mga mambabatas, lalo na sa imbestigasyon. Subalit walang sinong may mapapala kung kuwestiyunin ang kanyang appointment. Para na rin kasing pinangunahan mo ang opisyal na siyang may karapatan at kapangyarihan na mag-appoint.

Tama si President Duterte. Kapag may kapuna-puna sa trabaho, eh di punahin. Pero ang pagkuwestiyon sa kung paano gampanan ng Presidente ang kapangyarihan niyang­ mag-appoint, malinaw na panghihimasok na ito sa kanyang teritoryo.

Show comments