2021 national budget mukhang kadudaduda

Puna ni Senator Ping Lacson, tila punumpuno na naman ng mahiwagang insertion ang panukalang 2021 national appropriations act mula sa House of Representatives. Kilala natin si Lacson na metikuloso sa pagbusisi sa mga panukalang budget dahil galit siya sa pork barrel­. Si Lacson ang chairman ng Senate Finance Committee.

Ani Lacson, sana ay mapansin ito ni President Digong at gumamit ng veto power sa pagbasura sa mga kaduda­dudang alokasyon ng proposed budget. Anang Senador mayroong P28 bilyong idinagdag ang mga kongresista sa budget ng DPWH. Ano ba iyan?! Ang siste, sa AFP modernization program ng Dept of National Defense ki­naltas ang P8-B.

Binawasan din ang budget ng Department of Information and Communication Technology (DICT). Papaano tutugunan ng DICT ang pangangailangan ng bansa para sa episyenteng Internet connection lalo sa panahon ng krisis kung kapos sa pera? Nauna nang dinagdagan ng Kamara de Representante at Senado ng P5 bilyon dahil P900 milyon lamang ang dating pondo nito.

Ayon mismo kay Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara malamang masakri­pisyo ang buong 2021 national budget at hindi ito maipapasa kung hindi mapagbibigyan ang ginawang insertions ng mga kongresista.  Ayon kay Lacson, P620 milyon ang pinakamaliit na budget na napunta sa mga kongresista at umabot naman sa P15 bilyon ang pinakamaking budget na napunta sa isang distrito sa Davao. Sinasabing karamihan sa mga nakinabang ay mga dabarkads at kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco.

Hindi pumirma si Lacson sa bicameral report ng budget dahil hanggang ngayon, hindi pa aniya malinaw kung saan mapupunta ang P28 bilyon na insertion sa DPWH. Masasayang lang ang pinaghirapan ng kongreso at Senado na pagsasabatas sa Bayanihan 1 at 2 laban sa dagok ng COVID-19.

Mas inuuna pa ng mga kongresista ang sariling kapritso.  Sa halip  na pag- igihan ang online services ng DICT na kailangang-kailangan lalo na ng ating mga mag-aaral dahil sa online classes, inilipat pa ang pondo para sa political “papogi projects” ng mga kongresista. Malapit na kasi ang election period. Kay sagwang sistema!

Hindi katakataka kung sumadsad muli ang trust at approval rating ng Kamara de Representante na pinagsikapang itaas nang nakaraang house leadership sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng kongreso. Ang mga aktibidad ng Kamara ngayon ay walang-wala sa hulog. Maagang preperasyon sa eleksyon ang ginagawa sa halip na harapin at lutasin ang mga problemang kaakibat ng  COVID-19.

Show comments