^
EDITORYAL - Huwag nang ibitin-bitin ang Body Camera Act

EDITORYAL - Huwag nang ibitin-bitin ang Body Camera Act

(Pilipino Star Ngayon) - December 13, 2020 - 12:00am

Nakapagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ipinapasa ang Body Camera Act (Senate Bill 427). Dalawang taon na itong nakabimbin sa Senado pero hanggang ngayon ay hindi pa umuusad. Ano kaya ang problema at hindi pa ito ipinapasa? Ito pa naman ang mahalaga para sa police operations lalo ngayong laganap ang kriminalidad at patuloy ang problema sa illegal na droga. Bakit ibinibitin-bitin pa ang panukalang batas na ito.

Wala namang problema sa gagamiting equipment sapagkat naka-ready na noon pang Oktubre ang 2,600 body cameras na binili ng Philippine National Police para magamit sa kanilang operation laban sa mga kriminal. Bumili na rin ng body cameras ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa kanilang drug operations.

Mahalaga para sa mga pulis ang body cameras sapagkat ito ang magiging ebidensiya nila laban sa mga suspect na nagsasabing tinaniman sila ng droga o ano pa mang akusasyon. Mahalaga rin ang body cameras sa mga lugar na walang closed-circuit television camera (CCTV).

Ang panukalang Body Camera ay inakda makaraan ang brutal na pagpatay ng mga pulis sa 17-anyos na si Kian delos Santos noong 2017 sa Caloocan City. Pinatay ng mga pulis si Kian maski nakaluhod na ito at nagmamakaawa. Nagsagawa ng drug operation ang mga pulis sa lugar at isa si Kian sa nadamay sa operasyon. Ang brutal na pagpatay ng tatlong pulis ay nakunan ng CCTV at pinatunayan naman ng ilang witness.

Nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong pulis na pumatay kay Kian. Marami pang pangyayaring ganito ang naganap dahil sa pakikipaglaban sa illegal na droga at walang makapagsabi kung ano talaga ang nangyari. Kaya pinakamahusay kung magkakaroon ng body ca-mera ang mga police operatives.

Huwag nang upuan at dapat nang maipasa ang Senate Bill 427. Huwag na itong upuan. Ito ang makapagsasabi kung lumabag ang mga pulis o kung sila ay aakusahan ng kanilang inaresto. Ito ang mahusay na ebidensiya na maipipresenta.

Huwag nang upuan ang panukalang batas na ito. Mahalaga ito sa panahong ito na laganap ang krimen at walang patid ang police operations. Paganahin na ang Body Camera Act.

PDEA SENADO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with